MANILA, Philippines – Bibiyahe si Vice President Sara Duterte patungong Japan sa mga susunod na araw, o ilang araw bago ang confirmation of charges hearing ng ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Duterte na dadalo siya sa isang Filipino community event sa Japan na binanggit niyang nakatakda sa Setyembre 20 hanggang 21.
“Yes, tuloy ‘yung Japan. Na-set na ‘yun ng Filipino community,” sinabi ni Duterte na ngayon ay nasa The Hague, Netherlands.
Matatandaan na nagpupunta si Duterte sa iba’t ibang bansa habang gumugulong ang impeachment case na inihahain laban sa kanya.
Aniya, ang mga biyahe ay bahagi ng mandato ng kanyang opisina “to represent and advocate for the welfare of all Filipinos, including those overseas.”
Samantala, nagbigay naman ng suhestyon si Duterte at sinabing ang mga natutunan niya sa biyahe ay maaaring magamit para tugunan ang mga problema sa pagbaha.
“Siguro dapat gawin nila ‘yung ginagawa ko, ‘di ba? Umiikot ako sa iba’t ibang Filipino communities around the world.”
Aniya, ang mga Pinoy sa ibang bansa ang “the best consultants” dahil naninirahan sila at nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Alam nila ang best practices.”
Ibinida rin niya ang flood control at drainage system sa Davao City na nagawa sa tulong umano ng mga international expert. RNT/JGC