Home NATIONWIDE Malakanyang nagpaalala sa empleyado ng gobyerno na ‘wag magsugal

Malakanyang nagpaalala sa empleyado ng gobyerno na ‘wag magsugal

249
0

MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na huwag maugnay sa anumang uri ng sugal.

Ito’y matapos umamin si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na gumagamit siya ng alyas at pekeng ID para makapasok sa casino.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang desisyon kaugnay ng kaso ni Alcantara ay nakasalalay kay Public Works and Highways Secretary Vince Dizon.

Inamin ni Alcantara na batid niyang bawal sa mga government employee ang pumasok sa casino, subalit gumagamit siya ng alyas at pekeng ID.

Iniuugnay si Alcantara sa ilang maanomalya umanong flood control projects sa Bulacan, dahilan upang alisin siya sa kanyang puwesto.

Sa pagdinig ng komite sa Kamara nitong Martes, tinanong si Alcantara kung paano siya nakakapasok sa casino.

“May ID po silang binigay sa akin na iba po ‘yung name ko doon, Your Honor,” pahayag niya.

Samantala, sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, sinabi ni Alcantara na kasama niyang nagpupunta sa casino sina District Engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, na dati niyang mga kasamahan sa Bulacan 1st Engineering District.

Batay sa ulat ng GMA Integrated News, ginagamit umano ni Alcantara ang alyas na “Joseph Villegas,” habang “Marvin de Guzman” naman si Hernandez, at “Peejay Asuncion” si Mendoza.

Sa hiwalay na pagdinig sa Kamara ukol sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), napag-usapan din ang pagsusugal ng ilang opisyal at kawani ng gobyerno.

Ayon sa PAGCOR, umaabot sa P180 milyon ang nakatabing panalo sa casino matapos mapag-alamang mga kawani ng gobyerno ang nanalo.

Isang konsehal pa umano ang nagbitiw sa puwesto para makubra ang napanalunan nitong P14 milyon sa sugal. Subalit humihingi umano ang PAGCOR ng sertipikasyon mula kay Interior Secretary Jonvic Remulla upang makumpirma ang kanyang pagbibitiw.

“Halata po, nag-resign siya noong nanalo na siya. Hiningi ko naman kailangan certified by DILG Secretary. Hindi na po siya bumalik,” ayon kay PAGCOR Chairman Alejandro Tengco.

Sa ilalim ng Administrative Code of 1987, bawal sa mga government employee ang pagsusugal. Ipinagbabawal din sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na pumasok sa mga casino alinsunod sa Memorandum Circular No. 6, Series of 2016 ng Office of the President.

Aminado ang PAGCOR na hirap silang masala ang mga pumapasok sa casino kaya nagpatupad sila ng “second screening” sa mga mananalo.

(Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here