Home OPINION NAKASUSUKANG SABWATAN

NAKASUSUKANG SABWATAN

245
0

NATUKOY sa naglalabasang ulat na ang kompanyang St. Gerrard Construction ng mag-asawang Discaya ay ilang taon nang pinapaboran ng gobyerno, tumawid sa ilang administrasyon – kahit noon pang panahon ni namayapang dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Kung tutuntunin ang kabulukan, panahon ng administrasyong Aquino nang masuspinde ang St. Gerrard noong 2015 dahil sa maanomalyang tax clearance. Sa kabila nito, nagawa pa rin nitong makakopo ng ₱440.5 milyon halaga ng kontrata bago binawi ang suspensiyon nito noong 2016. Iyan ang malinaw na problema sa sistema.

Hanggang sa nanungkulan si Duterte. Simula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2017, namayagpag ang St. Gerrard bilang isa sa mga pangunahing contractors sa bansa, pinagkatiwalaan ng ₱12.3 bilyon halaga ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build. Sa records ng Philippine Center of Investigative Journalism o PCIJ natukoy na rito na nagsimula ang lahat — hanggang sa tumodo na ang kanilang serbisyo sa ilalim ng termino ni Duterte. Walang nagawa, kahit pa ang blacklist ng DPWH noong 2020 laban sa mga atrasadong pagawain, para pigilan sila.

Ngayon, sa ilalim ni Marcos Jr., ang “gravy train” ay naging baha na. Simula 2022 hanggang 2025, ang mga kompanyang konektado sa mga Discaya ay nakakopo ng ₱31.6 bilyon halaga ng mga kontrata, karamihan ay para sa flood control — mga ghost project na nagdulot ng pagbaha at pagkalunod sa mga komunidad.

At nagtapos na nga ang kwento ng mga Discaya sa kung paano sila nagsimula makaraang busisiin ng mga senador nitong Lunes ang katotohanan: siyam na kompanya, daan-daang kontrata, at pagkakaroon ng hanggang 200 empleyado lang upang “pangasiwaan” ang halos 500 proyekto! Sa equation na ‘yan, madali na lang mahalata na nagkakalokohan na tayo rito.

Samantala, mistulang naglaho na ang lahat ng pag-asa sa parehong pagsisiyasat ng Infra-Comm ng Mababang Kapulungan, dahil ang mga bida-bidang karakter doon ay puro porma lang naman, pero nag-aalinlangang imbitahan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na una nang nagsabing handa siyang magbanggit ng mga pangalan: tutukuyin ang mga kongresistang nakinabang sa mga maanomalyang ng ito.

Mas nagiging kaabang-abang ang kwento sa bawat bagong natutuklasan at grabe nang korapsyon ang nabubuking natin hanggang dumating na sa puntong halos bumaligtad na ang ating mga sikmura.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here