Home OPINION NAKAIINGGIT ANG MAMAMAYAN NG INDONESIA

NAKAIINGGIT ANG MAMAMAYAN NG INDONESIA

245
0

SUMIKLAB ang kaguluhan kamakailan sa bansang Indonesia.

Ang mga bahay ng mga mambabatas ay sinalakay ng mamamayan at ang mga bagay na mararangya ay kanilang sinira at sinunog. Kaliwa’t kanan ang kanilang protesta sa mga lansangan.

Galit na galit ang taumbayan ng Indonesia matapos nilang matuklasan na ang kanilang mga mambabatas ay binigyan ang mga sarili ng $3,000 allowance kada buwan.

Napakaliit ng nasabing halaga kumpara sa nakukuha ng ating mga mambabatas – ligal man o hindi.

Sa kasalukuyang 20th Joint Congress, mayroon tayong 317 kongresista at 24 senador.

Lahat sila ay may malalaking sinasahod, bukod pa sa mga nakukuhang allowances, bonuses at kung ano-ano pang pribilehiyo.

Pero nalaman natin na sa kabila ng kanilang mga tinatamasa at masarap na pamumuhay, maging ng kanilang mga pamilya, daan-daang bilyong piso na mula sa proyekto sa pagkontrol sa baha ang dinambong pa ng ilan sa pambansang salapi.

Sila ang tumukoy sa mga proyekto ng pampublikong gawain at naglalagay ng pondo para sa mga ito mula sa pambansang badyet.

Ibig sabihin, sila-sila na ang mga naging “tagapondo” para sa kanilang mga negosyo na may kinalaman sa imprastraktura. Manipulado nila ang mga proyekto nang walang koordinasyon sa local government units. Ang proseso ng bidding ay gawa-gawa para sila lang ang makakuha. Sobrang mga napakawalanghiya.

Ang ating mga mambabatas ay nahalal para lumikha ng mga batas ngunit sila na rin ang nasusunod upang ang ating pambansang badyet ay mapunta sa kanilang mga bulsa at bank accounts.

Kahit kanilang itanggi, kitang-kita na natin ang mga ebidensya dahil sa mga naglalabasang anomalya.

Ngayon, para na naman nila tayong ginagago.

Sila-sila pa rin ang nag-iimbestiga sa nangyaring kabulastugan at nakawan sa pondong bayan na sila naman ang mga nasa likod.

Kung baga sa isang krimen, ang mga suspek ang mag-iimbestiga sa kanilang sarili para sila ay makalusot sa pagkakasala. Ang laking kagaguhan.

Kaya nga naiinggit ako sa mamamayan ng Indonesia, hindi dahil sa kaguluhan sa bansa, kundi sa kanilang tunay na sama-samang ipinakitang protesta laban sa kanilang mga abusong mambabatas.

Dati napakalakas ng protestang bayan sa mga lansangan. Ang mga estudyante noon, kaunting pagtaas lang ng matrikula ay sama-sama nang sumisigaw sa kalye.

Ngayon ay bihira na. Sapagkat ang mga pinuno noon ng protesta, hindi man lahat, ay bahagi na rin ng tinutuligsang Kongreso dahil kasapakat na sa kurakutan. Napakasakit Ate Charo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here