Home NATIONWIDE Panukalang 2026 budget ng DPWH, isasailalim sa 2-week review

Panukalang 2026 budget ng DPWH, isasailalim sa 2-week review

296
0

MANILA, Philippines – Dalawang linggo ang bubunuin nina Budget Secretary Amenah Pangandaman at Public Works Secretary Vince Dizon para kompletuhin ang pagrerebisa sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagpulong sina Pangandaman at Dizon kasunod ng “unprecedented” na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na muling suriin ang DPWH budget sa 2026 National Expenditure Program (NEP) sa gitna ng alalahanin ukol sa diumano’y inconsistencies at double entry ng mga proyekto.

Sa isang press conference matapos ang pagpupulong sa DBM central office sa San Miguel, Maynila, tinanggap ni Dizon ang pinakabagong kautusan mula sa Pangulo, kahit pa aniya hindi siya pamilyar sa pagpoproseso ng budget allocation para sa libo-libong proyekto ng DPWH.

Aniya, ang spending plan ng DPWH para sa 2026 ay binubuo ng 700 pahina.

“Tingin ko lang kailangan meron itong deadline kasi limitado ang ating oras. Importanteng mapasa natin itong budget na ito. Hindi lang ito budget ng DPWH kundi budget ng buong gobyerno,” ayon kay Dizon.

“Nag-usap kami ni Sec. Minah. We both agreed on a two-week timeline. Dalawang linggo maximum, puwedeng mas maigsi. Kailangan lang, syempre, pagtrabahuan natin itong maigi,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Dizon na sisimulan na ng DBM at DPWH ang pagrerebisa sa mga proyektong pinuna ng Kongreso.

Nauna rito, inirekomenda ng mga major party leaders sa House of Representatives na ibalik ang 2026 NEP sa DBM.

Batay sa isinagawang pagrebisa ng House Leaders, kanilang nadiskubre ang seryoso at sistematikong anomalya sa 2026 NEP partikular sa DPWH, DILG, PNP at DA.

Ayon kay Deputy Speaker at Antipolo Representative Ronaldo Puno, hindi nila magawang simulan ang deliberasyon kung nababalot ng anomalya at mga kwestiyunableng budget allocation ang 2026 national budget.

Sinabi ni Puno na kabilang sa kanilang mga natuklasan ay mga flood control projects na may magkakaparehong halaga, double appropriations, oversized lump sum nationwide allocations sa ilalim ng DPWH, ulat ng unsolicited proposals para sa bilyun-bilyong halaga ng armas sa ilalim ng DILG/PNP, at allocation-for-sale scheme sa budget ng DA para sa farm-to-market roads.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pangandaman na matatapos ang pagrerebisa bago ang itinakdang two-week deadline.

“Ipapadala natin sa kanila ‘yung bagong listahan, ‘yung mga changes na mangyayari doon. Sa tingin po namin mas madali ‘yan na proseso kaysa magbalikan tayong ganyan. Kasi never pa po siya nangyari,” aniya.

Winika rin ni Pangandaman na maaaring bumaba ang panukalang budget ng DPWH depende sa resulta ng review.

Habang handa naman ang DBM sa reenacted budget, tiniyak niya na ang departamento at ang buong executive branch ay “very much willing” na makatrabaho ang Kongreso para tugunan ang mga usapin kaugnay ng spending plan ng DPWH para sa 2026.

“Dito naman sa DBM, ready. I think ginagawa na nila ang guidelines, assuming na magkaroon tayo ng reenacted budget. Pero syempre, ‘di ba nga sinabi natin na ‘yung reenacted budget magko-cause ng downturn ng ating ekonomiya, especially now na nakikita ‘yung malaking kontribusyon ng budget sa ekonomiya,” aniya.

Dagdag pa ng kalihim: “Ayaw naman nating mawala ‘yun with what’s happening with the world. Ayaw naman nating masira ang trajectory natin. Mabilis ang andar ng ekonomiya natin. Gusto pa nating bumilis, lalo na itong last three years ng administrasyon at ng ating Pangulong Bongbong Marcos.”

(Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here