Home NATIONWIDE Protected areas sa Tarlac, Southern Leyte idineklara ni PBBM

Protected areas sa Tarlac, Southern Leyte idineklara ni PBBM

374
0

MANILA, Philippines – Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang batas na nagdedeklara sa ilang bahagi ng Tarlac at katubigan sa paligid ng Panaon Island sa Southern Leyte bilang protected areas sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS).

Ayon sa Republic Acts (RA) 12237 at 12238 na pinirmahan noong Agosto 29 at inilathala sa Official Gazette nitong Biyernes, kikilalanin bilang Mt. Sawtooth Protected Landscape ang bahagi ng lupain sa mga bayan ng Mayantoc at San Jose, Tarlac, habang ang katubigan sa paligid ng Panaon Island ay ituturing na Panaon Island Protected Seascape.

Layon ng deklarasyon na mapangalagaan ang mga mahalagang flora at fauna at masiguro ang kanilang pag-iral para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Itinatadhana ng mga batas ang pagbuo ng Protected Area Management Board (PAMB) na pamumunuan ng regional executive director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang kinatawan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.

Magkakaroon din ng trust fund para sa mga proyekto ng protected areas. Mananatili sa PAMB ang 75 porsiyento ng lahat ng kikitain at ide-deposito sa Protected Area-Retained Income Account, habang ang natitirang 25 porsiyento ay mapupunta sa National Treasury bilang special account para sa mga programa ng NIPAS.

Ayon sa batas, ang pondo ay gagamitin lamang para sa proteksyon, maintenance, pamamahala, at mga aprubadong proyekto ng PAMB, at hindi maaaring gamitin para sa personal services expenditures. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here