MANILA, Philippines – Nakatakdang ilabas na ng pamahalaan sa mga susunod na araw ang mga magiging miyembro ng independent body na mag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang independent body ay ihihiwalay sa gobyerno at bubuoin ng mga abogado o hustisya, imbestigador, at forensic accountant na makikipagtulungan sa lahat ng ahensya ng pamahalaan partikular ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa investigation aspect, at Commission on Audit (COA) para sa imbestigasyon.
“Wala pang formal name, pero ‘yun ang binubuo namin, independent commission para imbestigahan ito ngang mga lumalabas na anomalya sa mga flood control project. ‘Yung mga personalities, ayaw ko namang maunahan ang actual na announcement dahil hindi pa solid talaga, pero malapit na,” sinabi ng Pangulo sa exclusive interview ng GMA News nitong Linggo, Setyembre 7.
“We will give them all the powers that are necessary for them to come to a conclusion, to come to some findings, para meron naman, alam natin kung ano ang nangyari,” dagdag pa niya.
Ang independent commission ay magkakaroon ng recommendatory role, at inaasahang magpapasa ng findings nito sa Department of Justice (DOJ) o sa Office of the Ombudsman para sa tamang paghahain ng mga kaso.
“They will have the authority to investigate anything and anyone. Otherwise, then what, then sasabihin may sacred cow na naman, may pinoproteksyonan dahil kasama sa politika, whatever. ‘Pagka nangyari ‘yun, wala ring kabuluhan ang kanilang imbestigasyon,” ani Marcos.
Sa kaparehong panayam, sinabi ni Marcos na sasakupin ng independent body ang lahat, kabilang ang mga kaanak at kaalyado nito sa politika.
“I said we’re making an omelet. We’re going to have to break some eggs. There’s just no way around it.”
“Who is more important—your friend, your political supporter, or every single ordinary Filipino citizen? Who is more important? To me, it’s the Filipino citizen. Nobody is more important than Filipinos. Nobody, nobody, not one person is more important,” dagdag pa.
Ang mga isyu sa korapsyon, ani Marcos, ay bunga ng ilang taong pagpapabaya at systemic issues.
“The simplistic answer will be: Paano tayo nagkaganito? Dahil pinabayaan. [How did we come to this? Because it was neglected.] And what can we do? What we can do is to find out how this happened, who were the people that were involved, make them answerable for their wrongdoing, and fix the structure so this is not allowable. That’s the word that I think… It became allowable—okay lang, hindi problema ‘yan, hindi krimen ‘yan, sige lang.”
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay ipinag-utos ni Marcos ang pagsusuri sa proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Sa ikaapat na State of the Nation Address ni Marcos noong Hulyo, binanatan niya ang mga opisyal ng pamahalaan na nagnanakaw ng pondo ng publiko na mahiya naman ang mga ito.
Inilunsad din niya ang website sa flood control kung saan maaaring makapagsumbong ang mga mamamayan sa mga maanomalyang proyekto.
Mula nang ilunsad, sinabi ng Pangulo na nakatanggap na ang website ng 12,000 report sangkot ang iba pang infrastructure projects katulad ng pagsesemento sa kalsada at road widening.
“We started talking about flood control pero siyempre, nagkaroon ang tao ng line of communication sa akin na para makapagreklamo sila, ginagamit talaga nila. That has been very effective, that’s why I encourage everybody. Lahat ng ano, hinihikayat ko kayong lahat. ‘Pagka meron kayong reklamo, ireklamo niyo.” RNT/JGC