MANILA, Philippines – Nakatakdang magsumite ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Commission on Audit (COA) ng mga rekomendasyon ngayong Lunes ng hapon para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga kontratista ng gobyerno na sangkot sa mga ‘ghost’ at substandard na mga proyekto sa flood control.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na isang hiwalay na hanay ng mga rekomendasyon para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga insider ng DPWH ay isusumite rin sa Huwebes o Biyernes.
“Sa Huwebes o Biyernes, inaayos na rin natin ang mga kaso dito sa mga (taga)-loob ng DPWH. Kaya lang na-delay ng konti dahil hinihintay natin ‘yung privilege speech ni Sen. Panfilo Lacson sa Wednesday dahil nagsabi siya sa akin na bibigyan niya ako ng dagdag na ebidensya against dito sa ibang masasamang kawani ng DPWH na naging ka-kuntsaba ng mga contractor na ito,” saad ni Dizon.
Isusumite rin ng DPWH sa Department of Justice (DOJ) ang mga pangalan ng mga contractor at iba pang indibidwal na nauugnay sa maanomalyang flood control projects para sa posibleng pagsama sa immigration lookout bulletin.
Ikinatuwa naman ni Dizon ang panukala ng Akbayan party-list lawmaker na si Chel Diokno na dapat lagdaan ng mga opisyal ng DPWH ang mga waiver sa bangko, sinabi niyang hiniling niya sa legal department na pag-aralan ito.
Tinitingnan din ng bagong DPWH chief ang 5 indibidwal na magiging kanyang bagong undersecretaries matapos hilingin sa lahat ng DPWH deputies na magsumite ng kanilang courtesy resignations.
“Sa mga plano kong ilagay na undersecretaries, meron akong tinitingnan pa lang na 5. Outsider lahat. Kailangan may mga bago tayong dadalhin dito na marurunong, trusted natin at kayang gawin ‘yung trabaho,” aniya. RNT/MND