Home OPINION PAGLUHA, WA EPEK

PAGLUHA, WA EPEK

259
0

SINONG hindi magiging emosyonal sa gitna ng malupit na reyalidad: garapalan ang korapsyon na nagbunsod sa paglusong sa baha ng mga manggagawang Pilipino, maging mga estudyante. Halos mapaiyak si President Ferdinand Marcos Jr. sa panayam sa kanya ng GMA News anchor na si Vicky Morales nang magpahayag siya ng pagkadismaya sa contractors at sa ilang masasamang tauhan ng gobyerno na nagsasabwatan sa mga “ghost” flood control project.

Matindi na ang galit ng publiko at maraming netizens ang bumabatikos sa Pangulo, dahil nangyari ang lahat ng ito sa ilalim ng kanyang pamumuno. Kaya bagama’t mahirap para sa kanya na nakikitang nagdurusa ang mga Pilipino, bata man o matanda, sa paglusong sa baha — ang ilan ay nawalan ng tirahan, habang ang ilan ay namatay sa leptospirosis — mas mahirap pa ring tanggapin ang katotohanan na mga disenteng tao ang napuruhan, nagtitiis sa parusang epekto ng pandarambong sa pondo ng bayan.

Habang tuloy-tuloy lang ang mga taxpayer sa pagbabayad sa ghost flood-control projects na sinertipikahang “100% complete” at nabayaran nang buo, pero ang katotohanan ay wala isa mang sako ng semento ang ibinuhos sa pagawain, ang inyong luha, Mr. President, ay walang maitutulong para mapanagot at papagdusahin ang mga kriminal.

Ang iniutos ninyong masusing pagbusisi sa budget ng Department of Public Works and Highways para sa 2026 ay isa lang sa mga hakbangin, pero ang totoong pagpapanagot sa mga nagkasala ay nangangailangan ng hindi lang simpleng auditing. Ang bawat inhinyero, bawat contractor, bawat opisyal ng gobyerno na pumirma sa mga kunwa-kunwaring proyektong ito ay dapat na matukoy.

Pero dito na pumapasok ang problema — kahit pa ipinag-utos ng Presidente ang masusing auditing, ang mismong mga institusyong naatasang imbestigahan ang mga mandarambong ay nag-aalangan sa pag-iimbestiga. Ang pagdinig ng tri-committee ng Kamara noong nakaraang linggo ay hindi lamang basta naglantad ng mga anomalya sa flood control — nabunyag din ang kawalang interes ng mga mambabatas na siyasatin ang mga kabaro nila.

Ang mga mosyon para imbitahan si Ako Bicol Rep. Zaldy Co — “Specimen No. 1,” inakusahang nagsingit ng ₱13.8 bilyon sa bicam budget — ay agarang hinarang. Bigla na lang, nasa Amerika raw si Co para sa “medical treatment.” Kumbinyente ang timing, kumbinyente rin ang palusot.

Ang mas malala pa, sinabi ni House Infra Committee Chair Terry Ridon at mga kaalyado niya na ang kaso ni Co ay “not within scope,” isang linyahan na lalo lang nagpapatindi sa suspetsa na may pinoprotektahan ang mga mambabatas.

Nagbigay si Rep. Chel Diokno ng apat na mungkahi, na inaasam nating isusulong ni bagong DPWH Chief Vince Dizon, upang mapatino ang mga opisyal sa kanyang kagawaran, sisimulan sa pag-obliga sa lahat ng opisyal at empleyado na pumirma ng waiver ng bank secrecy law. Kung wala silang ginagawang masama, wala silang dapat itago; kung meron naman, ipagkakanulo sila ng pera nila sa bangko.

Pangalawa, bawiin ang lahat ng government-issued devices — phones, laptops, computers — na ginamit ng mga dati at kasalukuyang opisyal na lumagda sa mga ghost o hindi natapos na proyektong nabayaran na nang buo. Pangatlo, atasan ang mga telephone company na panatilihin ang call logs, mensahe, at geolocation data mula sa mga nasabing device. Kung nanakaw ang pera ng taumbayan gamit ang government-issued gadgets, ang mga record na iyon ay pagmamay-ari na ng publiko bilang ebidensya.

Sa huli, tinukoy ni Diokno ang desisyon ng Supreme Court sa cyber-warrant powers. Maaaring kumuha ang DPWH ng mga court warrant upang pakialaman at kumuha ng mga datos mula sa government-issued gadgets na ito para makabuo ng mga kinakailangang kaso laban sa mga opisyal na nasa likod ng sistematikong korapsyon na ito.

Sa Senado, iginigiit ni Sen. Panfilo Lacson na mapangalanan ang mga kongresistang nasa likod ng “individual amendments” na nagsingit ng bilyon-bilyong piso sa budget ng DPWH para sa flood control projects na hindi naman nag-eexist. Hindi maaaring baha-bahagi lang ang transparency, aniya. Dapat ay ganap ang transparency sa pagpapanagot sa mga may sala.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here