CLAVERIA, Cagayan – Umaabot sa ₱5.3 milyong halaga ng hinihinalang cocaine ang nakumpiska sa isang mangingisda sa Barangay Taggat Sur, Claveria, Cagayan.
Kinilala ang suspek bilang si alyas Bong, 43-anyos, mangingisda at residente ng nasabing bayan.
Nahuli siya sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, Claveria Police Station, at iba pang yunit ng PNP matapos ang mahigit dalawang buwang surveillance.
Nakuha mula sa kanya ang isang bloke ng cocaine na nakabalot sa duct tape at may tatak na “Coca Racing,” boodle money na nagkakahalaga ng ₱249,000, isang cellphone, isang backpack, at susi ng tricycle.
Batay sa imbestigasyon, pinaniniwalaang galing sa mga nadarang pakete ng ilegal na droga sa baybayin ng Claveria ang naturang cocaine, ngunit hindi ito isinuko ng suspek sa mga awtoridad.
Nahaharap ang nasabing suspek sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco