MANILA, Philippines – AABOT sa 200 pamilya ang nawalan ng bahay makaraang tupukin ng apoy ang isang residential area sa Brgy. Culiat, Quezon City nitong Martes ng gabi iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 7:32 ng gabi nitong Martes, Setyembre 9, nang magsimula ang sunog sa residential area sa Sitio Mabilog sa nasabing barangay.
Sinabi pa ng BFP na dahil gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing kabahayan kaya agad itong itinaas sa ika-5 alarma alas-9:47 ng gabi.
Nabatid sa Barangay official ng Culiat na mahigit 200 pamilya ang nawalan ng tahanan kaya pansamantalang inilikas ang mga ito sa Sanville Covered Court.
Samantala, sinabi ng BFP na anim katao ang agad na binigyan ng atensyong medical ng kanilang ambulansiya matapos mahirapang huminga habang ilan ang bahagyang nasugatan.
Kaugnay nito patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng sunog at ang halaga ng mga ari-arian na natupok. Santi Celario