UMABOT na sa halos 25,000 manggagawang Filipino ang nagpahayag ng interes na magkaroon ng sariling tahanan matapos magparehistro sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng Pag-IBIG Fund. Ang naturang bilang ay naitala sa loob lamang ng tatlong buwan mula nang ilunsad ng ahensya ang 4PH Online Registration System noong Hulyo 2025.
Ayon sa Pag-IBIG Fund, malinaw na ipinakikita ng mataas na bilang ng mga rehistradong miyembro ang malaking pangangailangan at matinding interes ng mga Filipino sa abot-kayang pabahay, na siya namang pangunahing adbokasiya ng administrasyon ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.
Sa ilalim ng Expanded 4PH Program, ibinibida hindi lamang ang mga condominium unit sa mga pangunahing lugar kagaya ng Caloocan City, Cavite, Bulacan, Nueva Ecija, Rizal, Pampanga, Ilocos Norte, Bacolod City, Zamboanga City, at Davao City, kundi pati na rin ang mga house-and-lot packages sa subdivision developments.
Ayon kay Department of Housing and Urban Development Secretary at Pag-IBIG Fund Board of Trustees chairperson Jose Ramon Aliling, ang bagong digital platform ay isang transparent, user-friendly, at corruption-free na sistema na nagbibigay-daan upang mas mailapit ang pangarap ng homeownership sa bawat Filipino.
Idinagdag pa niya na nakatutulong din ito sa pagtutugma ng dumaraming demand para sa pabahay at ng mahigit 251,000 socialized housing units na ipinangako ng mga pribadong developer.
Batay sa paliwanag ng ahensya, ang Expanded 4PH Online Sign-Up Facility ay isang mobile-optimized platform na nagbibigay-daan sa mga miyembro na:
– Mag-browse ng iba’t ibang socialized housing projects,
– Tingnan ang mga larawan ng unit;
– Mag-compute ng tinatayang buwanang hulog; at
– Sumusubaybay sa kanilang registration status sa real time.
Kapag nakapagparehistro na, isinasagawa ng Pag-IBIG Fund ang paunang assessment batay sa membership status, kita, at iba pang eligibility criteria. Pagkatapos, ipapasa ang impormasyon ng aplikante sa National Housing Authority at Social Housing Finance Corporation para sa karagdagang beripikasyon.
Kapag nakapasa sa lahat ng pagsusuri, ang detalye ng homebuyer ay inirerekomenda sa partner developer upang maproseso ang housing loan at pagbili ng unit.
Sa ilalim ng programang ito, maaaring makakuha ang mga kwalipikadong miyembro ng housing loan na may subsidized interest rate para sa house-and-lot units na nagkakahalaga ng hanggang Php 850,000 o condominium units na nagkakahalaga ng hanggang Php 1.8 million.
Ipinaliwanag naman ni Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta na ginawa ang online registration system para mapagaan ang proseso at mas maging accessible ang serbisyo para sa mga miyembro.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng adbokasiya ni Secretary Aliling para sa full digitalization ng housing sector, na nakapaloob sa kanyang 8-Point Agenda.
Bilang dagdag na insentibo, iniimbitahan din ni CEO Acosta ang mga miyembro na samantalahin ang “early bird promo”, kung saan makakakuha ang unang 30,000 kwalipikadong borrowers ng 3% subsidized housing loan rate na fixed sa loob ng 10 taon.
“Sa pamamagitan ng sistemang ito, mas pinadali na ang landas ng mga Filipino patungo sa pagkakaroon ng sariling tahanan, mula sa simpleng pag-click hanggang sa pagkamit ng pangarap na bahay,” dagdag ni CEO Acosta.






