MANILA, Philippines – Usap-usapan ngayon sa ilang political circles ang umano’y areglo sa pagitan ng isang mambabatas at isang kontratista na kasalukuyang nasasangkot sa mga isyu ng ilang proyekto ng pamahalaan, kabilang na ang mga flood control project.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, isang anak ng mambabatas na malapit sa kontratista ang sinasabing nagsilbing tulay sa nasabing kasunduan.
Sa gitna ng kanilang pag-uusap, umano’y tiniyak ng naturang mambabatas na tutulungan ang kontratista kapalit ng pagbibigay ng testimonya na nagtuturo kung sinu-sino ang nakinabang sa mga proyekto.
Dagdag pa ng source, matapos umano ang naturang usapan ay biglang lumambot ang mambabatas sa kontratista, bagay na lalong nagpaigting ng hinala.
Hindi naman tinukoy kung magkano ang halaga ng umano’y naging kasunduan, ngunit napansin daw ng mga nakasaksi ang tila tuwa ng anak ng mambabatas matapos lumabas mula sa isang kuwarto kung saan naganap ang usapan.
Sa kabila ng mga alegasyon, tanong ng ilan: papayagan ba ng Department of Justice (DOJ) na basta na lamang gamiting state witness ang isang taong sangkot din umano sa parehong kaso? At kung kilalang matindi ang tindig ng naturang mambabatas laban sa katiwalian, bakit tila nagbago ang kanyang posisyon?
Para malaman kung sino ang tinutukoy sa bulung-bulungan, baka kailangan pang maghintay ng pormal na resulta ng imbestigasyon. RNT