MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mandatory display ng registration seal badge sa websites, social media business pages at iba pang digital platforms.
Nakasaad sa Revenue Memorandum Circular No. 113-2026 na mananatiling suspendido ang requirement “until further notice” upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng registration verification initiatives ng ahensya.
Ayon sa BIR, maaaring patuloy na ipakita ng mga taxpayer na nakakuha na ng registration seal badge ang kanilang badge kung nais nila.
Nilinaw din ng ahensya na walang ipapataw na parusa dahil lamang sa hindi pagpapakita ng registration seal badge habang umiiral ang suspensyon.
Nauna nang inatasan sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 038-2026 ang mga taxpayer na nagsasagawa ng online business na ilagay ang BIR-issued seal sa kanilang websites, e-commerce pages o social media business accounts bilang patunay ng kanilang registration.
Saklaw nito ang online sellers, freelancers, professionals, vloggers, influencers at iba pang kumikita sa pamamagitan ng digital platforms.
Ayon sa BIR, layunin ng registration seal badge na mapadali ang beripikasyon ng registration ng mga kalahok sa digital economy habang pinoprotektahan ang kanilang personal na impormasyon.
Maaari ring i-scan ng mga customer o kliyente ang badge upang beripikahin kung rehistrado sa BIR ang isang online seller, service provider o content creator. RNT