Home OPINION COA, NASILAW SA KISLAP NG PERA?

COA, NASILAW SA KISLAP NG PERA?

258
0

COMMISSION on Audit, gising!

Ang daming kaganapan na sa paligid lalo na sa Senado at House of Representative subalit naiwang natutulog sa kangkungan este sa pansitan itong COA na dapat sana ay siyang bantay sa kaban ng bayan.

Marami na ang pinangalanan at kung sino-sino na rin ang pinukol ng sisi sa mga maanomalyang flood control project na pawang ghost, unfinished at substandard materials ang gamit pero hanggang ngayon wala pa ring aksyon ang COA.

Aba, dapat ay gising na gising ang ahensyang ito sapagkat sila ang dapat na sumusuri sa mga resulta ng mga proyektong ginawa at pinagkakitaan ng mga mambabatas -Senado at Kamara.

Kapag walang ginawa ang COA, aba, pwedeng sabihan ng “galaw-galaw baka maistrok.”

Ang COA dapat ang nagsusuri at kumakalampag sa mga tanggapan kapag mali ang paggastos. Sila ang dapat sumisita kapag overpriced ang mga materyales na gamit sa proyekto o kaya naman ay dapat nilang suriin at may hawak na ebidensya sa mga proyektong inilunsad sa isang bayan o lalawigan.

Pero ang nangyayari, ang mismong COA ang nagbubulag-bulagan. Hindi nila inaayos ang trabaho nila. Bakit? Kasi nakikinabang din ba sila?

Dapat ay sinusuring mabuti at sakaling may nakitang mal isa mga proyekto ay kanila itong ipinahinto at sinita subalit walang ginawang aksyon ang COA. Wala silang nakita? O ayaw nilang tingnan?

Magkaiba iyong walang nakita at ayaw tingnan. Posibleng walang nakita dahil walang tiningnan. Hindi sinuring mabuti dahil posibleng sila man ay nakinabang rin sa mga korapsyon na naging bahagi na ng kultura ng mga sakim at gahaman sa pamahalaan.

Kung ang bantay nakapikit, sino pa ang aasahan?

Hindi sapat na palaging sa Department of Budget and Management ipinupukol ng mga politiko ang sisi. Sa DBM nagmumula ang pondo pero ang proyekto ay ipinatutupad ng iba’t ibang ahensya na proponent ng proyekto. Ang COA ang nagbabantay kung tama ang paggastos.

Ang daming palpak sa flood control projects, pero bakit nakalulusot sa mata ng COA?

Dapat imbestigahan din ang COA. Kung gusto talaga natin ng malinis na gobyerno, dapat imbestigahan din kung bakit tila nakasara ang bibig ng COA. Dahil siguro nasilaw na sila sa kislap ng pera na itinapal sa kanila ng mga magnanakaw na opisyal ng gobyerno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here