MANILA, Philippines – Ihahain ni Sen. Erwin Tulfo ang isang resolusyon para sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng papel ng mga casino sa anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Ayon kay Tulfo, chairman ng Senate Committee on Games and Amusement, nagbulag-bulagan ang mga casino sa mga kahina-hinalang transaksyon at nabigong i-report ang mga ito sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) habang hinahayaan ang mga opisyal ng DPWH na ipagsugal ang pondo ng bayan.
“They cannot claim ignorance… Why didn’t they investigate what kind of business or profession their players are into?” ani Tulfo, na bumatikos din sa hindi umano pagpapatupad ng casino sa “Know Your Client” policy.
Binigyang-diin niya ang kaso ng mga opisyal ng DPWH tulad ni Henry Alcanta na gumamit ng pekeng ID at alias upang makapagsugal. “They didn’t even raise a single red flag or report this to the AMLC despite these individuals bringing in hundreds of millions in cash every single week,” dagdag pa ng senador.
Giit ni Tulfo, kung ginawa lamang ng mga casino ang kanilang tungkulin sa pagmamanman at pag-uulat, “naiwasan sana ang patuloy na paglustay ng pondo ng bayan.” RNT