MANILA, Philippines – Sinibak na ng Land Transportation Office (LTO) ang 68 enforcer na nakatalaga sa central office nito sa Quezon City dahil sa umano’y pagkakasangkot sa katiwalian.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza na ang pagtatapos ng kontrata ng 68 enforcer ay matapos magsagawa ng performance evaluation ang ahensya kasunod ng pinagsama-samang ulat ng mga motorista, netizens at mystery agent na kanyang ipinakalat tungkol sa mga maling gawain ng kanilang mga tauhan, lalo na kaugnay ng panunuhol at pangingikil.
Ayon kay Mendoza, personal siyang makikilahok sa proseso ng pagkuha ng mga bagong tauhan ng LTO Law Enforcement Service “para matiyak na tanging ang mga kwalipikado at ang mga nagpapahalaga sa integridad at pagsusumikap ang mabibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa ahensya.”
Sinabi pa ni Mendoza na tanging ang mga matagumpay na makapasa sa interbyu at makitang angkop at kwlipikado ang dapat isaalang-alang. Jocelyn Tabangcura-Domenden