MANILA, Philippines — Natagpuan na nitong Sabado ng umaga, Setyembre 27, ang bangkay ng isang 19-anyos na lalaki na tinangay ng rumaragasang agos sa Valderrama, Antique sa kasagsagan ng Severe Tropical Storm Opong.
Ayon sa Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), natagpuan ang katawan ng biktima sa ilog sa Barangay Ilaurés, Bugasong.
Tinangay siya ng Cangaranan River nitong Biyernes, Setyembre 26, habang hinahagupit ng bagyo ang Western Visayas.
Batay sa ulat ng Office of Civil Defense sa Western Visayas (OCD-6), kasama ng kanyang kapatid ang binatilyo na namumulot ng kahoy bandang 4:30 p.m. sa Barangay Pandanan, Valderrama, nang pumasok siya sa ilog para kunin ang isang troso at tangayin ng malakas na agos.
Wala nang naiulat na iba pang nasawi sa rehiyon.
Sa Iloilo, iniulat ng Provincial DRRMO ang ilang insidente kaugnay ng bagyo kabilang ang pagkataob ng isang bangkang de-motor sa Trapiche, Oton noong Biyernes ng umaga kung saan nasagip ang dalawang pasahero at agad dinala sa rural health unit.
Dakong tanghali naman ng parehong araw, isang tao ang tumalon mula sa Agutayan Bridge sa Sta. Barbara ngunit nasagip rin kalaunan.
Nag-ulat din ang ilang bayan ng mga natumbang puno. Sa Barangay Cagbang, Miagao, nabarahan ang isang pangunahing kalsada habang sa Barangay Coto, Lambunao, isang bahay ang nasira matapos mabagsakan ng puno.
Ayon sa OCD-6, umabot na sa 39,086 residente o 10,403 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa Western Visayas hanggang alas-11 ng gabi ng Biyernes. Sa bilang na ito, 11,776 katao mula sa 2,923 pamilya ang pansamantalang nakasilong sa 241 evacuation centers habang 4,469 indibidwal mula sa 1,239 pamilya ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation site. RNT/JGC