HINDI iligal at wala naman daw masama sa pag-amyenda o sabihin na lang nating insertion o pagsisingit ng pondo ng mga kongresista at senador sa pagpapasa ng taunang budget ng pamahalaan.
Totoo naman ang sinasabi ng mga mambabatas dahil nasa kanila ang kapangyarihan sa budget kaya pwede nilang kalikutin ang ipinapanukalang halaga ng pagkakagastusan ng gobyerno sa buong taon o yung tinatawag na national expenditure program.
Baka kasi may nakaligtaan na mahalagang proyekto ang gobyerno na hindi nabibigyan ng budget kaya papasok ang pag-amyenda ng kongreso o pagsisingit ng pondo para matustusan ang proyekto sa kanilang distrito.
Sa Senado, bagama’t wala silang sariling distrito, may mga lumalapit sa kanilang opisyal ng lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang panig ng bansa para magpatulong na mabigyan ng pondo ang mahahalagang proyektong pang-imprastraktura sa kanilang lugar.
Katuwiran ng mga mambabatas, hindi naman nila hinahawakan ang pondo kundi ang ahensyang magpapatupad ng proyekto habang sila ang magtuturo nito at sabi ng ilang mambabatas, hindi naman sila nakikialam kung sinong contractor ang gagawa dahil ang DPWH ang nagsasagawa umano ng bidding.
Sino pa ang maniniwala sa kanila ngayong nagkabistuhan na ang napakalaking porsyentong hinihingi ng mga mambabatas sa ituturo niyang proyekto?
Sa totoo lang, alam naman natin na matagal ng nangyayari ang ganitong katiwalian pero noon kasi, maliitan lang ang hinihinging porsyento ng mga mambabatas kaya tuloy ang proyekto.
Wala ring ghost projects noon subalit mayroong mga substandard dahil hindi lang ang proponent ang may porsyento kundi maging opisyal ng DPWH na kadalasan ay sila talaga ang nagsasagawa ng bidding para paboran ang kausap nilang contractor.
Kamakailan, ibinulgar ni Senate President Pro-Tempore Panfilo “Ping” Lacson na halos lahat ng mga senador noong 19th Congress ay nagsingit ng pondo na aabot sa P100 bilyon.
Siyempre, nagtampo sa kanya ang mga kapanalig na senador at may nagbanta pa nga na kakalas na sa mayorya dahil para raw sinusunog ni Lacson ang Mataas na Kapulungan sa ginagawang pagbubulgar gayong alam nito na ligal at hindi masama ang insertion.
Kahit papaano ay nilinaw rin naman ni Lacson na hindi naman talaga bawal at hindi masama ang pagsisingit sa budget lalo na’t may mga mahahalaga talagang proyekto na dapat pondohan pero nakaligtaan sa NEP.
Kaya lang, P100 bilyon? Ok sana kung makikita natin na nagastos ito sa mahahalagang proyekto tulad ng karagdagang silid-aralan. Ang kaso, mukhang nakatutok ang maraming senador sa pagpapagawa ng multi-purpose building kahit isang katerba na ito sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Mayroon bang hiwaga sa pagtatayo ng multi-purpose building bukod sa napapakinabangan itong evacuation site sa panahon ng sakuna? Naalala ko tuloy yung isang katerbang proyekto noon na waiting shed na pinagkakitaan, hindi lang ng mga mambabatas subalit maging ng mga nasa lokal na pamahalaan.






