SA panahon ng matinding hamon sa kalusugan ng sambayanang Filipino, mahalagang mayroong ahensiya ng pamahalaan na maaasahan at tunay na nagsisilbi. Isa sa mga pangunahing haligi ng serbisyong pangkalusugan ay ang Philippine Health Insurance Corporation o ang ating PHILHEALTH. Sa mga nagdaang taon, hindi maikakaila na dumaan ito sa samu’t saring kontrobersiya na nagdulot ng alinlangan sa tiwala ng publiko. Subalit ngayong 2025, sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Edwin Mercado, nasisilayan natin ang positibong pagbabago na matagal nang inaasam ng nakararami.
Ayon sa pinakahuling ulat, nakapagbayad ang PHILHEALTH ng kabuuang Php 195.21 bilyon peso para sa mga benefit claims ngayong taon. Isang napakalaking halagang nagbigay ng direktang benepisyo sa milyun-milyong Pilipino. Higit pa rito, ang naturang bilang ay katumbas ng 84.35 porsiyentong pagtaas kumpara sa nakalipas na taon. Sa madaling salita, mas maraming kababayan ang natulungan, mas maraming pasyente ang nakinabang, at mas maraming pamilya ang nakadama ng ginhawa sa oras ng pangangailangan.
Bilang health advocate, nakikita ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang araw-araw ang epekto ng serbisyong ito. Maraming pasyente ang dating nag-aatubiling magpagamot dahil sa takot sa gastusin. Ngunit ngayon, mas nagiging magaan para sa kanila ang lumapit sa ospital o klinika sapagkat alam nilang may PHILHEALTH na tutulong sa kanilang bayarin. Ang seguridad na dulot ng maayos na pamamahala ng pondo ay hindi lamang usapin ng pera, kundi usapin ng buhay at kaligtasan.
Mahalaga ang wastong pangangasiwa ng pondo sapagkat ito ang pusod ng tiwala ng publiko. Ang bawat pisong kontribusyon ng manggagawa, magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor ay dapat ibinabalik sa kanila sa oras ng pangangailangan. Sa pamumuno ni Dr. Mercado, kapansin-pansin ang mas malinaw na proseso, mas mabilis na pagbabayad ng claims, at mas bukas na komunikasyon sa mga stakeholders. Ang ganitong klase ng pamamahala ay nagpapakita ng integridad at malasakit – dalawang bagay na kritikal upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa PHILHEALTH.
Hindi rin biro ang pag-angat ng halaga ng benefit claims na nabayaran. Nangangahulugan ito na mas marami nang ospital ang nagiging katuwang ng ahensiya, at mas marami na ring serbisyong medikal ang naisisingil at naibabalik sa mga miyembro. Ang mga numerong ito ay hindi lamang estadistika; sila ay mga kuwento ng mga pamilyang natulungan, ng mga pasyenteng gumaling, at ng mga Filipino na muling nagkaroon ng pag-asa.
Kung magpapatuloy ang ganitong uri ng pamumuno, hindi malayong masaksihan natin ang ganap na transpormasyon ng PHILHEALTH bilang isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang institusyon ng bansa. Ang adhikaing “Sagot ka ng PHILHEATH” ay unti-unti nang nagiging realidad.
Nais kong bigyang-diin na ang tagumpay na ito ay hindi lamang tagumpay ng PHILHEALTH o ni Dr. Mercado, kundi tagumpay ng buong sambayanang Filipino. Kapag maayos ang pamamahala ng pondo, mas malawak ang naiaabot na tulong, at mas matibay ang pundasyon ng ating sistemang pangkalusugan.
Isang PHILHEALTH na tapat, maaasahan, at tunay na naglilingkod, iyan ang ating pangarap. At ngayon, sa tamang pamumuno, ito ay unti-unting natutupad.






