MANILA, Philippines – Libu-libong overseas Filipino worker (OFW) ang makikinabang sa pagtaas ng buwanang sahod sa Hong Kong at Taiwan.
Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang desisyon ng Hong Kong at Taiwan ay isang panibagong panalo para sa mga OFW na patuloy na nag-aambag sa kanilang mga host country habang sinusuportahan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Pinuri ng DMW ang Ministry of Labor ng Taiwan para sa pag-apruba ng isa pang pagtaas ng sahod para sa mga dayuhang manggagawa simula Enero 1, 2026.
Ang mga bagong rate ay magtataas ng buwanang minimum na sahod sa 29,500 New Taiwan dollars, o humigit-kumulang USD967 (nasa P56,000), at ang hourly rate sa 196 New Taiwan dollars o P374.
Samantala, ang inaprubahang dagdag sahod ay magdadala sa minimum na sahod ng isang domestic worker sa Chinese special administrative region mula 4,849 Hong Kong dollars hanggang 5,100 Hong Kong dollars (nasa P36,253 hanggang P38,130).
Binigyang-diin ng DMW na ang pagtaas na ito, kung tuluyang maaprubahan ng Executive Yuan ng Taiwan, ay makatutulong nang malaki sa libu-libong OFW na nagtatrabaho sa iba’t ibang industriya sa Taiwan, at magiging ika-10 magkakasunod na taon ng pagtaas ng sahod sa bansa.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na magsisikap din ang ahensya na magbigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga Filipino domestic worker na itinuturing na kabilang sa mga pinaka-mahinang sektor.