MANILA, Philippines – ARESTADO ang dalawang drug suspects kabilang ang 29-anyos na babaeng amo umano ng mga tulak matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Acting Chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong mga suspek na si alyas “Amo”, babae, ng Brgy. Pasong Putik, Quezon City at alyas “JR”, 41, ng Brgy. 178, Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Amo kung saan dumadayo pa umano ito sa Caloocan para magbenta ng shabu.
Isa umano sa mga operatiba ng SDEU ang nagawang makipagtransaksyon ng droga sa suspek kaya agad niyang ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na umano ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinakip nila ang mga suspek dakong alas-12:46 hating gabi sa Pechayan St., Brgy 178.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 40 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P272,000 at buy bust money.
Sasampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangeroud Drug Act of 2002 sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Rene Manahan