MANILA, Philippines – BAGSAK sa selda ang isang lalaki na wanted sa kaso ng pang-aabuso sa isang menor-de-edad sa Lungsod ng Valenzuela nang matunton ng tumutugis na mga pulis sa kanyang pinagtataguan sa Bacoor City, Cavite.
Kinilala ni Valenzuela City Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento ang naarestong akusado na si alyas “Mark”, 35, residente ng Brgy. Gen T De Leon at nakatala bilang No. 9 Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.
Batay sa ulat, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon hinggil sa pinagtataguang lugar ni alyas Mark sa Cavite kaya agad bumuo ng team mula ang pinagsamang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) at Warrant and Subpoena Section (WSS) para tugisin ang akusado.
Katuwang ang Eastern District Intelligence Team (EDIT), Regional Intelligence Unit – NCR (RIU-NCR), at PNP Intelligence Group (IG), kaagad ikinasa ng mga tauhan ni Col. Talento ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Bacoor City, Cavite.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 270, Valenzuela City, noong September 22, 2021, para sa paglabag sa Section 5(b) ng R.A 7610, o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.” na may inirekonendang piyansa na P200,000. Rene Manahan