SOBRANG dumi na ng pamunuan ng bansa. Mula sa ehekutibo hanggang lehislatura ay sabit sa mga kabalbalan.
Kaya sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano na kung siya ang masusunod, nais niya na magkaroon ng snap election.
Ito ay para sa posisyong mula sa pagkapangulo hanggang sa mga kongresista para mabago ang istruktura ng pulitika sa bansa. Ang mga kasalukuyang nakaluklok kabilang siya, aniya, ay hindi maaaring tumakbo.
Kinontra agad ito ng Malakanyang sa pagsasabing ang panukala ni Cayetano ay “unrealistic” o guni-guni lang ng senador. May nagsasabing labag din daw ito sa Konstitusyon.
Kung isinasaalang-alang pala ang ating Konstitusyon, bakit patuloy itong binababoy ng mga opisyal at halal ng gobyerno sa pamamagitan ng pangungurakot sa kaban ng bayan?
Halimbawang hindi si Cayetano ang nagpanukala ng snap election, sa aking pananaw ay maganda ang mensaheng ito. Dapat magsipagbitiw ang mga opisyal ng gobyerno mula kay Pangulong Bongbong Marcos patungo sa mga kongresman para magkaroon ng tunay na pagbabago.
Baka nga ito ang totoong kasagutan para sa tunay na paglilinis sa pamahalaan at hindi ang walang katuturang pangako ni Marcos, Jr. na hahabulin niya ang mga nangurakot sa salaping bayan.
Paano siya mangangakong magpakukulong ng mandarambong kung siya pala ang tinutumbok ng mga dokumento at ebidensya na nagpasimuno at kumunsinti sa malawakang korapsyon sa flood control projects?
Matapos ang Sept. 21 protest kontra mga magnanakaw sa gobyerno na nauwi sa karahasan at pagkamatay ng isang walang kamalay-malay na obrero, naghihintay pa rin ang taumbayan na may makukulong na mga buwaya.
At ang mga buwayang itinuturo ay mga nasa Senado, Kamara, Department of Public Works and Highways at iba pang ahensya ng gobyerno na karamiha’y nananatili sa poder na kapag daka’y makaliligtas pa sa mga kaso.
Wala nang katiwa-tiwala ang taumbayan sa mga sinasabi ni Marcos, sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure, sa Senado, sa Kamara at kung ano pang pagsisiyasat ‘yan sa anomalya sa flood control projects dahil halatang-halata naman na mayroon lang pinagtatakpan.
Wala na tayong patutunguhan kundi pagkakawatak-watak at kaguluhan lang. Kaya bago pa mawasak ang ating bayan, magsilayas na dapat ang mga kawatan!






