MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senator Sherwin Gatchalian ang ₱124-milyong proyekto ng Presidential Communications Office (PCO) sa Bukidnon, na ayon sa kanya ay labas sa pangunahing mandato ng ahensya.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), noong 2019 ay nakipagkontrata ang PCO sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagtatayo ng Government Communication Academy Phase II na nagkakahalaga ng ₱45.7 milyon. Sa iba pang ulat mula 2020 hanggang 2023, lumabas ang katulad na proyekto na nagkakahalaga naman ng ₱79 milyon.
“Bakit may communications office ang PCO sa Bukidnon?” tanong ni Gatchalian.
Sang-ayon dito si PCO Secretary Dave Gomez, na nagsabing, “The previous administration should not have engaged in such a public works project that falls outside our core responsibility.”
Ang proyekto, na sinimulan sa panahon ng Duterte administration, ay orihinal na idinisenyo bilang training center para sa mga government communicators. Ayon kay Gatchalian, 90% nang tapos ang pasilidad at maaaring maging “white elephant” kung hindi tatapusin.
Sinabi naman ni Gomez na plano ng PCO na ipasa ang gusali sa Northern Bukidnon State College kapag natapos, upang mapakinabangan ng mga estudyante ng state college. RNT