MANILA, Philippines – Ginawaran ng United Nations ng 2025 Asian Townscape Award ang Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM) Project, pangunahing programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang pagkilala sa kahusayan nito sa urban design at sustainable development.
Ayon sa UN-Habitat Regional Office for Asia and the Pacific, ipagkakaloob ang parangal sa Nobyembre 27 sa Hong Kong, bilang pagkilala sa pagsisikap ng Pilipinas na muling buhayin at modernisahin ang Pasig River.
Pinangungunahan ni Kalihim Jose Rizalino Acuzar, layunin ng proyekto na gawing masigla at makakalikasang sentro ang ilog sa pamamagitan ng mga bike lane, jogging path, at komersiyal na espasyo para sa publiko.
Binuksan na sa publiko ang dalawang kilometrong bahagi mula sa Manila Central Post Office hanggang Fort Santiago, na agad naging bagong atraksyon sa lungsod at simbolo ng adbokasiya ng gobyerno para sa mga luntiang lungsod. RNT