MANILA, Philippines – Hindi totoo ang kumakalat na balita tungkol sa umano’y submarine volcano na nagigising kasunod ng serye ng mga malalakas na lindol sa bansa, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Lunes, Oktubre 13.
“Kapag mga ganito po, huwag po kayo maniwala. Wala po tayong record na nagkaroon ng paggising ng anumang submarine volcano na tinutukoy dito. Hindi po ito totoo,” ayon kay PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol sa panayam ng GMA News.
Nagbabala siya sa publiko laban sa fake news lalo na kapag may kalamidad.
Inabisuhan niya ang mamamayan na mag-check lamang ng update mula sa PHIVOLCS, National Disaster Risk Reduction and Management Council, at lokal na pamahalaan.
“Kapag may mga ganitong sakuna, mga disasters, biglang nagiging eksperto lahat. So, kailangan natin i-filter out kung ano ‘yung fake news, kung ano ‘yung totoo,” aniya.
“So makinig lang sa aming ahensya, at pati na rin sa NDRRMC, sa kanilang LGUs kasi marami pong mga fake news na kumakalat ngayon,” dagdag pa.
Matatandaan na tumama ang serye ng iba’t ibang lindol sa bansa. Sinimulan sa magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City Cebu, magnitude 7.4 at 6.8 na lindol sa Manay, Davao Oriental, at magnitude 6.0 na lindol sa Cagwait, Surigao del Sur. RNT/JGC