Home OPINION CHIZ ESCUDERO: PANAHON NG PAGTUTUOS SA BULOK NA SISTEMA

CHIZ ESCUDERO: PANAHON NG PAGTUTUOS SA BULOK NA SISTEMA

328
0

TILA tama si Senator Francis “Chiz” Escudero sa pagsasabing bulok ang sistema ng flood control sa Pilipinas. Sinabi niya ito noon sa kainitan ng imbestigasyon na isinagawa ng Senate blue ribbon committee at ngayon nga ay unti-unting nabubunyag.

Noon, sinabi ni Escudero na hindi ito tungkol sa kanya. Sapagkat, iniipit siya at pilit iniuugnay sa flood control scam. Ngayong umarangkada na ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure sa mga anomalya sa flood control projects, isa-isang lumilitaw ang mga pangalan at detalye ng mga sangkot sa iskandalo.

Hindi na maitatanggi, totoo ang mga sinabi ni Escudero. Ang tunay na isyu dito ay ang bulok na sistema na ginawang gatasan ang pondo ng bayan. Flood control, ginawang negosyo!

Ang pagkadagdag ni dating House Speaker Martin Romualdez sa immigration lookout bulletin order ay malinaw na senyales. Unti-unti nang pinapanagot ang “untouchables” sa kanilang pag-abuso sa pera ng bayan na mula sa dugo at pawis ng taumbayan. Matagal nang naghihintay ang mga Pilipino na mangyari itong pagbubunyag sa mga sangkot sa katiwalian.

Hindi na maaaring magtago ang mga “Honorables” na nasa likod ng mga anomalya sa flood control projects. Hindi na sila poprotektahan ng kanilang mga titulo at posisyon. Pananagutan at katarungan ang kanilang haharapin na matagal-tagal na ring inaasam ng taumbayan.

Hindi simpleng imbestigasyon ang ginawa ng ICI. Sinira nila ang pader ng impunity. Malinaw ang mensahe: Walang sasantuhin ang batas.

Ngunit hudyat lamang ito ng mas malaking laban. Ang totoong hamon ay ang pagbabago ng sistema. Dapat itong maging simula ng mas malawakang reporma—pagpapalakas ng transparency mechanisms, pagbubukas ng lahat ng kontrata sa publiko, at pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga magnanakaw ng kaban ng bayan.

Gaano man katagal itago ang katotohanan, lalabas at lalabas din ito. Ang mga nabuhay sa kasinungalingan ay haharap sa bunga ng kanilang mga kasalanan. Panahon na para managot ang mga nagkasala!

At panahon na rin upang may magdusa sa likod ng rehas na bakal upang muling magbalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here