MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang bagong virus na kumakalat sa bansa sa gitna ng mga ulat na tumataas ang kaso ng influenza at influenza-like illnesses (ILIs), at binigyang-diin na ang kamakailang class suspension ng Department of Education (DepEd) ay bilang pag-iingat at bahagi ng paghahanda sa lindol.
Binigyang-diin ni DOH spokesperson Albert Domingo na ang dalawang araw na pagsususpinde ng DepEd sa face-to-face classes sa Metro Manila ay isang “normal precaution” at kasabay din ng paghahanda para sa tinatawag na “The Big One,” isang napakalaking senaryo ng lindol na pinagpaplanuhan at sinasanay ng mga ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Domingo na ang ILIs ay nananatiling kabilang sa pinakakaraniwang seasonal ailments, ngunit batay sa kasalukuyang datos, nagpapakita ito ng 8 porsiyentong pagbaba kumpara noong nakaraang taon.
Paliwanag pa ng DOH official, ang pagtaas ng mild flu cases ay inaasahan tuwing panahon ng tag-ulan, mula Hunyo hanggang Nobyembre, na nagmamarka ng taunang flu season sa bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)