MANILA, Philippines – Nakatakdang imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y overpriced na farm-to-market road (FMR) projects, kasabay ng pagpapatuloy ng pagdinig sa mga flood control anomalies, ayon kay chairman Senator Erwin Tulfo kamakailan.
“I will be meeting with the Senate leadership next week to talk about the direction of the BRC (Blue Ribbon Committee). But definitely may hearing pa (there are still hearings) on flood control before we shift to FMR overprice anomaly,” ayon kay Tulfo.
Hindi binanggit ni Tulfo kung ano ang eksaktong timeline ng imbestigasyon sa dalawang isyu, ngunit base sa ulat, nakatakdang simulan ang pagbusisi sa huling bahagi ng Oktubre.
“Siguro po sa October 22, 23. Somewhere around there… And nakita ko pong medyo maluwag-luwag, around 23, 24, mga 26, 27, ganoon po,” pahayag ng senador.
Binanggit din niya ang prayoridad ng ilang kasamahan sa Senado na nakakaapekto sa iskedyul ng komite. “Kasi po ngayon, busy po ‘yung mga ibang kasamahan po natin sa mga budget hearing po, kanya-kanya.”
Naunang sinuspinde ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang inisyal na planong ipagpatuloy ang imbestigasyon dahil hindi pa kumpleto ang mga dokumentong kailangan ng komite at may salungatan sa iskedyul ng iba pang mga pagdinig ng Senado.
Tinukoy naman ni Senador Win Gatchalian na umaabot sa ₱10.3 bilyon ang halaga ng mga umano’y overpriced FMR projects noong 2023 hanggang 2024. Ernie Reyes