SINUSPINDE ng Department of Education – National Capital Region ang pasok sa pampubliko at pribadong paaralan nitong Oktubre 13 at 14, 2025, bilang bahagi ng pag-iingat sa dumaraming kaso ng Influenza A, at isinabay na rin ang inspeksyon sa integridad ng mga pasilidad ng mga paaralan kaugnay sa malalakas na lindol na naganap sa Cebu at Davao Oriental kamakailan.
Narito ang mga tamang impormasyon at mga dapat gawin upang maiwasan at malunasan ang karamdamang ito na tumataas ang kaso dulot ng pabago-bagong panahon.
Ano ang Influenza A? Isa itong uri ng flu virus na nakaaapekto sa respiratory system kasama ang baga, ilong at lalamunan. Isa ito sa tatlong pangunahing uri ng influenza virus na A, B, at C, ngunit ang Influenza A ang karaniwang nagdudulot ng malalaking outbreak o epidemya sa mga tao.
Ang virus na ito ay may kakayahang magbago ng anyo o mag-mutate, dahilan kung bakit ito paulit-ulit na lumilitaw tuwing “flu season.”
Maaari rin itong maipasa sa mga hayop katulad ng baboy at ibon kaya mas delikado ito kung hindi agad maagapan.
Paano ito nakukuha? Ang Influenza A ay airborne virus, ibig sabihin ay naipapasa ito sa pamamagitan ng hangin. Maaaring mahawa kapag:
* Huminga ng droplets mula sa ubo o bahing ng may sakit.
* Humawak sa mga kontaminadong bagay katulad ng pinto, cellphone, mesa, at pagkatapos ay hinawakan ang ilong, bibig, o mata.
* Nakipaglapit o close contact sa taong may trangkaso.
Ang virus ay maaaring mabuhay sa mga bagay o ibabaw ng mula 6 hanggang 8 oras, kaya madali itong kumalat sa mga matataong lugar kagaya ng eskuwelahan, opisina, pampublikong sasakyan, at ospital.
Mga sintomas ng Influenza A. Ang mga sintomas nito ay maaaring magsimula mula isa hanggang apat na araw matapos mahawa.
Kadalasan, ito ay biglaan at mas matindi kumpara sa karaniwang sipon.
Karaniwang sintomas:
* Mataas na lagnat na 38°C o mas mataas pa;
* Pananakit ng katawan at kasu-kasuan;
* Matinding pagkapagod o panghihina;
* Pagkakaroon ng ubo, sipon, at pananakit ng lalamunan;
* Pananakit ng ulo;
* Panginginig at pagpapawis; at
* Pagkawala ng gana sa pagkain
Sa ilang kaso, maaaring magkaroon ng pagsusuka o pagtatae, lalo na sa mga bata.






