MANILA, Philippines – Hinimok ni Bise Presidente Sara Duterte nitong Martes ang Office of the Ombudsman na imbestigahan si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co dahil umano sa pagkakasangkot nito sa katiwalian sa pagbili ng mga laptop ng Department of Education (DepEd).
“Kung talaga seryoso ang Ombudsman sa pagiimbestiga, imbestigahan din nila yung laptop corruption scandal ng Department of Education, nandoon si Zaldy Co,” pahayag ni Duterte sa isang press conference.
Ayon pa sa kanya, nagsagawa siya ng sariling imbestigasyon noong siya pa ang Kalihim ng DepEd. “Sunwest ang contractor ng laptop doon sa DepEd,” aniya, at idinagdag na gumamit ng confidential funds upang makakalap ng ebidensya.
Nauna nang inatasan ni dating Ombudsman Samuel Martires ang pagsasampa ng kasong graft at falsification laban kina dating Education Secretary Leonor Briones at dating Budget Undersecretary Christopher Lao kaugnay ng ₱2.4-bilyong laptop procurement na tinukoy ng Commission on Audit bilang “overpriced.”
Ang mga laptop, na nagkakahalaga ng ₱58,300 bawat isa at may lumang Celeron processor, ay binili ng DepEd para sa distance learning sa panahon ng COVID-19 pandemic. Inirekomenda rin ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang dating opisyal ng DepEd at DBM. Santi Celario