MANILA, Philippines – Sinisilip na ng Commission on Elections (Comelec) ang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng lahat ng senador at party-list representatives sa 2025 elections.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, walang pinipili ang komisyon sa kanilang mga kakasuhan kahit pa kamag-anak ng kandidato ang nasabing kontratista na nagbigay ng donasyon para sa kanilang pagtakbo noong nakaraang halalan.
Ang pahayag ni Garcia ay matapos tanungin sa isyu kay Senator Bong Go kung saan iniuugnay ang kumpanya ng kanyang pamilya na CLTG Builders, isang construction company na nagkaroon ng kontrata sa gobyerno gayundin sa umano’y koneksyon nito sa kumpanya ng mag-asawang Discaya.
Una nang sinabi ng Comelec na may siyam (9) na construction company na nakitang nagbigay ng donasyon sa mga kandidato.
Nilinaw naman ni Garcia na walang batas na nagbabawal sa isang kandidato na tumakbo sa eleksyon kahit pag-aari pa ng kanyang pamilya ang isang construction company, o kahit siya mismo ay kontratista.
Pero iba na aniya ang usapan kung nagbigay ng donasyon ang kumpanyang may kontrata sa gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden