CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines – Sugatan ang dating pulis sa Lanao del Sur na sangkot umano sa kasong pagpatay matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek, kahapon sa lungsod na ito.
Ayon kay Police Captain Emilita Simon, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), nilapatan ng lunas sa ospital ang biktima na isang dismissed personnel, at nakatira sa Villamar Subdivision, Barangay Iponan, Cagayan de Oro.
Batay sa report ng CDO-PNP, naganap ang insidente bandang 1:00 PM nitong Biyernes, Oktubre 17, sa labas ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang puting Toyota Vios.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen o kung may kinalaman sa kasong kinasasangkutan ng biktima para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran pagdakip sa mga ito. /Mary Anne Sapico