MANILA, Philippines – Matapos suspendihin ng 90 araw, tuluyan nang ni-revoke ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng UV Express driver na umararo sa 14 na mga sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng 13 iba pa nitong Biyernes ng umaga, October 17, 2025.
Batay sa kautusan ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, ipinatupad na ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang perpetual disqualification sa driver’s license ni Ruel Dela Cerna, 51 anyos, ang driver ng UV Express na may plate number UWL-894.
Nauna rito, umamin sa imbestigasyon ng QCPD at LTO si Dela Cerna na gumamit siya ng shabu noong Huwebes ng gabi, ilang oras bago ito pumasada noong Biyernes ng umaga.
Kaugnay nito binigyang diin ni Acting Secretary Lopez na hindi hahayaan ng DOTr at ng LTO na ang mga reckless na driver tulad ni Ruel Flores Dela Cerna na ilalagay sa panganib ang buhay ng mga motorista at komyuter.
“Sisiguraduhin nating hindi na makakapagmaneho itong UV Express driver. Paulit-ulit ng sinasabi ng Pangulo na dapat ligtas ang ating mga kalsada at mga motorista mula sa mga ganitong klaseng driver lalo’t pag may buhay na nawaka bunga ng kanilang iresponsableng pagma-maneho,” ani Acting Secretary Lopez.
Kaugnay nito nakakulong ngayon ang UV Express driver na si Dela Cerna sa Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit.
Nahaharap sya sa patong-patong na kasi kabilang na ang Reckless Driving, Anit-Drunk and Drugged Driving, Improper Person to Operate a Motor Vehicle at iba pa. (Santi Celario)