SA ating panahon, hindi na maikakaila na ang social media ay naging malaking bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay. Mula sa paggising hanggang sa bago matulog, tila hindi na kumpleto ang araw ng maraming Filipino kung walang sandaling pag-scroll sa Facebook, panonood ng YouTube videos o pakikipag-chat sa Messenger.
Sa pinakabagong ulat ng Meltwater at We Are Social, muling napatunayan ang pagiging “social media powerhouse” ng Pilipinas, tayo ang nasa ika-12 sa buong mundo sa may pinakamalaking konektadong populasyon, na may mahigit 98 milyon na internet users o 83.8% ng ating kabuuang populasyon.
Ngunit higit pa sa mga numero, ang tanong ay kung ano ang kahulugan ng ganitong antas ng konektadong pamumuhay para sa ating lipunan?
Base sa ulat, halos lahat ng gumagamit ng internet sa bansa o 99.5% ay aktibo sa social media o messaging apps, at umaabot sa 13 oras kada
Linggo ang ating ginugugol dito, ikalawa sa buong mundo. Kapag isinama pa ang panonood ng videos, pakikinig ng podcast, at iba pang digital activities, umaabot sa 54 oras kada Linggo ang oras na ginugugol ng mga Filipino online. Sa YouTube, nangunguna tayo sa buong mundo na may 88.5%, habang sa Facebook ay kabilang tayo sa pinakamasigasig na user base na may 94.9%.
Maaaring ipagmalaki natin ito bilang patunay ng pagiging “tech-savvy” ng mga Filipino, isang katangian na mahalaga sa modernong ekonomiya.
Sa social media, napadadali ang komunikasyon, negosyo at edukasyon.
Maraming kababayan natin ang nakahanap ng kabuhayan online mula sa pagba-vlog, online selling, freelancing, hanggang sa content creation. Sa ganitong pananaw, ang social media ay nagsisilbing pantay na oportunidad para sa lahat, anoman ang antas ng buhay.
Ngunit sa kabilang banda, hindi rin maikakaila na ang labis na paggamit ng social media ay may kaakibat na panganib at negatibong resulta.
Ang sobrang pagkababad online ay nagdudulot ng stress, kawalan ng konsentrasyon, at minsan ay paghahambing sa sarili sa buhay ng iba.
Lalong nakababahala kapag nagiging kasangkapan ito sa panlilinlang, paninira, at pagpapakalat ng maling impormasyon.
Bilang isang health advocate, naniniwala akong kailangan nating balansehin ang ating digital na kalayaan sa tamang disiplina. Ang social media ay dapat maging kasangkapan para sa pag-unlad at hindi para sa pag-aaksaya ng oras o paglalayo ng loob sa tunay na ugnayan. Dapat nating turuan ang kabataan na gamitin ito nang responsable – magbahagi ng makabuluhang nilalaman, magpahayag nang may respeto, at higit sa lahat, maglaan pa rin ng oras sa mga bagay na totoo at nararamdaman kabilang ang pamilya, kalusugan, at komunidad.
Sa huli, hindi masama ang pagiging “online nation” kung ito ay ginagamit natin nang tama. Ang susi ay nasa disiplina at layunin kung saan ang bawat “click” at “share” ay nagsisilbi hindi lang para sa sarili, kundi para sa kabutihan ng lahat. Sa digital na panahon, ang tunay na koneksyon ay hindi nasusukat sa signal o data, kundi sa malasakit, respeto at pagkakaisa nating mga Filipino.






