Home NATIONWIDE Mag-asawa natagpuang-patay sa landslide sa Bukidnon

Mag-asawa natagpuang-patay sa landslide sa Bukidnon

304
0

MANILA, Philippines – NALIBING nang buhay ang mag-asawa matapos silang matabunan ng lupa sa naganap na landslide sa Sitio Kipolot, Barangay Palacapao, Quezon, Bukidnon, nitong Huwebes.

Kinilala ang mga biktima na sina Ely at Thelma Ubatay, kapwa 60-anyos, mga naglalako ng gulay, at residente sa nasabing lugar.

Ayon kay Forts Cabarde, information officer ng Quezon LGU, natagpuan ang mag-asawa na magkayakap 10 talampakan sa ilalim ng gumuhong lupa bandang 9:31 a.m.

Sinabi ni Cabarde, natagpuan nila sa lugar ang mag-asawa matapos ituro ng mga K9 dogs, mga 90 hanggang 100 metro mula sa itaas ng gumuhong bahagi.

Sakay umano ang mag-asawa ng kanilang “bao-bao” tricycle pauwi sa Barangay Palacapao mula sa bayan nang mangyari ang insidente.

Tinatayang 400 metro ang haba ng landslide base sa ulat ng lokal na pamahalaan, at 400 rescuers ang sumali sa limang araw na search and retrieval operations.

Malaki umano ang naging papel ng tatlong search-and-rescue dogs mula sa Army 403rd Infantry Brigade at 10th Infantry Division sa matagumpay na operasyon.

Dahil sa patuloy na pag-ulan simula Linggo, naging mabagal ang operasyon ng mga tagasagip.

Apektado rin ng pagguho ang Bukidnon-Davao Road, ang pangunahing rutang nagdurugtong sa Northern Mindanao at Davao Region, na ginagamit para sa transportasyon ng mga kalakal at pasahero.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga light vehicles na dumaan sa Valencia City–Tagum City route sa pamamagitan ng San Fernando (Bukidnon), Kapalong, at Talaingod (Davao del Norte).

Samantala, ang mga malalaking trak ay inabisuhang dumaan sa Kabacan, Cotabato patungong Davao City — dagdag na tatlong oras na biyahe.

“Malaki ang epekto ng landslide sa lokal na ekonomiya dahil karamihan ng produkto ng bayan ay galing sa Davao City,” ani Cabarde.

Dahil dito, kailangang maglakad ang mga pasahero upang tumawid sa kabilang bahagi ng gumuho na daan bago muling sumakay ng bus o PUV.

Naglagay na rin ang lokal na pamahalaan ng waiting areas para sa mga sasakyan sa magkabilang panig ng landslide area. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here