MANILA, Philippines – Maaaring kabilang si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sa mga makakaharap ng mga kaso sa Sandiganbayan para sa kontrobersiya sa flood control, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Oktubre 24.
Sa deliberasyon ng Senate Committee on Finance sa panukalang P6.390 bilyon budget ng Office of the Ombudsman para sa fiscal year 2026, sinabi ni Remulla na target ng kanyang tanggapan na magsampa ng mga kaso laban sa ilang opisyal na nauugnay sa maanomalyang flood control projects sa harap ng anti-graft court sa loob ng 30 araw.
Sinabi ni Remulla na hindi pa alam kung ilang kaso ang isasampa sa Sandiganbayan dahil umaabot sa walong kaso kaugnay sa flood control ang nakabinbin at kasalukuyang sumasailalim sa kanilang preliminary investigation.
Nauna nang sinabi ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg na ang Sandiganbayan ay gumagawa ng mga bagong panuntunan para mapabilis ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at paglilinis ng mga docket ng mga lumang kaso upang mapaghandaan ang pagsasampa ng Ombudsman ng impormasyon laban sa mga opisyal at personalidad na sangkot sa maanomalyang flood control projects. Jocelyn Tabangcura-Domenden