MANILA, Philippines – Iniulat ng mga pribadong ospital ang pagtaas sa kaso ng influenza-like illnesses (ILI) sa buong bansa, bagamat nagsisimula na itong mag-plateau.
Ayon kay Dr. Jose Rene de Grano, pinuno ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI), nakakita sila ng 10% pagtaas sa mga kaso ng ILI mula pa noong tatlo hanggang apat na linggo ang nakalilipas, kung saan malaking bahagi nito ay pediatric, geriatric, o with comorbidities.
Sa kabila nito, ang bilang ng mga kaso ay nagpa-plateau na.
“Majority sa [private hospitals] narereport ay [may spike ng ILIs]… Sa tingin naming mga around 10%, although for the past few days nagkakaroon ng parang plateau na. Hopefully, magtuloy po na plateau yan o pababa na,” aniya.
Sinabi ni De Grano na ang pagtaas sa bilang ng mga pasyente ay dahil marami na rin ang mga nagpapagamot.
Bago rito ay iniulat ng Department of Health (DOH) na mayroon nang mas mababang kaso ng ILI sa unang dalawang linggo ng Oktubre kumpara sa huling dalawang linggo ng Setyembre.
Paulit-ulit namang iginigiit ng ahensya na walang outbreak sa sakit sa kabila ng mga suspensyon ng klase.
Ayon kay De Grano, karamihan sa mga kaso ng ILI sa mga ospital ay “minor” at ang iba ay sinabihang mag-isolate na lamang sa bahay.
Ilang ospital naman ay may full capacity pa rin dahil sa pagdagsa ng mga pasyente.
“Yung pong iba [na hospitals] medyo napupuno. Kaya po medyo mabilis mapuno, di po nila maexpand yung kanilang mga number of beds kasi kulang ang number of nurses. Usually, ang nangyayari, dahil puno na yung mga kama, pag dumating na ang pasyente at nagdadagsa na at di pa narerelease at nadidischarge, napupuno po ang emergency room,” ani De Grano.
“At least 10% po ng bed capacity ay nasa ward… Yun po ang unang napupuno. Kaya naman po [ng private hospitals ang capacity], kaso ang napansin namin mga spillover na po ito na galing sa government facilities, pero nakakayanan pa naman po. Minsan nga lang nadedelay ang kanilang pagpasok sa hospital [o] paga-admit,” dagdag pa niya.
Bukod dito, iniulat din ang pagtaas sa mga kaso ng dengue bagamat hindi pa naman ito umabot sa outbreak level.
Wala ring kakaibang pagtaas sa pneumonia-related deaths maging ang mga kaso ng typhoid at leptospirosis. RNT/JGC