SA gitna ng kaliwa’t kanang kontrobersiya sa pondo ng pamahalaan, muling nasubok ang tiwala ng publiko nang mabunyag ang tinaguriang “ghost flood control projects” sa Bulacan. Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA), ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office ang naging sentro ng malawakang katiwalian sa flood control funds, mga proyektong pinondohan ngunit hindi kailanman naipatupad.
Bilang miyembro ng media na matagal nang tumatangkilik sa mabilis at tapat na serbisyo, masakit isipin na sa gitna ng banta ng baha, may mga opisyal na tila nilulunod ang bayan sa kawalan ng konsensiya. Ang dahilan daw ng COA ay kakulangan ng tauhan. Totoo, malaking hamon ang manpower shortage, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang makalusot ang mga kawatan sa loob ng sistemang pampubliko. Kung dalawang auditor lamang ang nakatalaga sa 11 bayan, tatlong lungsod, at walong tanggapan ng LTO, tiyak na mahirap bantayan ang bawat proyekto. Ngunit dapat nating tandan, ang kakulangan sa tao ay hindi lisensya para sa kapabayaan o pakikisabwatan.
Ang mas nakababahala, ayon sa ulat, ay may mga mambabatas na diumano’y sangkot sa kickback scheme. Kapag ang mga dapat nagtatanggol sa kaban ng bayan ang mismong nagpapasasa rito, paano pa tayo makaaasa ng pagbabago? Mabuti na lamang at hindi nagbulag-bulagan ang COA. Sa kabila ng limitadong pondo at tauhan, naglabas ito ng 21 fraud audit reports, walo sa mga ito ay naipasa na sa Office of the Ombudsman. Isa itong patunay na may mga matitinong lingkod pa ring naninindigan para sa katotohanan.
Ang mga repormang ipinatutupad ngayon ng COA katulad ng pagdaragdag ng tauhan, pagpapatibay ng conflict-of-interest rules, at paggamit ng geotagging sa lahat ng infrastructure projects ay mga hakbang tungo sa mas malinaw na pamamahala. Ang mandatory geotagging ay isang makabagong solusyon na magbibigay ng konkretong ebidensya kung saan at paano ginamit ang pondo. Ito ang uri ng teknolohiyang dapat noon pa isinulong upang maiwasan ang mga “proyektong nasa guni-guni lamang.”
Kasabay nito, may mga mambabatas na gumagawa ng paraan upang masupil ang ugat ng katiwalian. Isa na rito ang pagsusulong ng “License Integrity Act,” na layong gawing krimen ang paggamit o pagbebenta ng mga lisensiya at permit ng pamahalaan. Mahalaga ito dahil dito nagsisimula ang maraming katiwalian sa pag-upa, pagbenta, at paggamit ng mga lisensiya ng pamahalaan para sa pansariling pakinabang.
Ngunit higit pa sa mga reporma, kailangan natin ng pagbabago sa kultura ng serbisyo. Hindi sapat ang batas kung walang puso sa pagpapatupad nito. Kailangang maging mapanuri ang taumbayan at maging matatag ang mga institusyon. Sa bandang huli, ang pera ng bayan ay dapat gamitin para sa bayan, hindi para sa bulsa ng iilan.
Ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay naniniwalang ang tunay na serbisyo publiko ay hindi natatapos sa pagtugon sa pangangailangan, kundi sa tapat na paggamit ng bawat pisong galing sa pawis ng mamamayan. Ang laban kontra ghost projects ay laban nating lahat dahil bawat pondong nawala ay katumbas ng pag-asang ninakaw sa sambayanang Filipino.






