MANILA, Philippines — Bagama’t mas pinaigting ng artificial intelligence (AI) at iba pang digital innovations ang agham sa pagbabala ng panahon, naniniwala ang PAGASA na hindi nito mapapalitan ang mga meteorologist bagkus ay magiging mahalagang kasangkapan ito sa pagliligtas ng mas maraming buhay.
Sa HANDA Pilipinas 2025 Visayas Leg, sinabi ni Dr. Nathaniel Servando, administrator ng PAGASA, na may malaking papel ang AI sa pagbuo ng mabilis, maaasahan, at impact-based weather forecasts, lalo na sa bansang tinatamaan ng humigit-kumulang 20 bagyo bawat taon.
Ayon kay Servando, may kakayahan ang AI na pahusayin ang katumpakan ng mga forecast at tugunan ang mga kakulangan ng tradisyunal na pamamaraan.
“We in PAGASA acknowledge gaps in traditional forecasting, including uncertainty, short lead times for extreme events like flash floods, and local-scale variability weather systems,” aniya.
“Artificial intelligence offers a sharper edge of refining forecasting reliability through diverse data resources including satellite, radar, ground stations, and environmental sensors,” dagdag pa niya.
Giit ni Servando, hindi papalitan ng AI ang mga meteorologist, kundi tutulungan lamang sila sa pagproseso ng malalaking datos at sa paggawa ng mga gabay para sa mga decision-maker.
“With these advancements, it is important to note that AI does not replace meteorology or expertise of our meteorologists… AI will not replace our jobs in the future,” pahayag niya.
Sa halip, layunin ng AI na tulungan ang mga opisyal at komunidad sa mas maagang evacuation timing, agricultural planning, at proteksyon ng mga imprastruktura.
Kabilang sa mga proyekto ng ahensya ang Project Gabay o AI4RP (Weather Forecasting for a Resilient Philippines), na gumagamit ng AI systems upang gawing mas mabilis at detalyado ang pagproseso ng weather data.
Ayon kay Servando, layunin ng proyekto na pataasin ang horizontal resolution mula 3 km tungo sa 2 km, palawigin ang lead time mula 2 araw hanggang 14 araw, at pababain ang run time mula 3 oras hanggang 15 minuto.
Gayunman, binigyang-diin ni Servando na kailangan pa rin ng malakas na suporta at kooperasyon mula sa mga lokal na pamahalaan at mamamayan upang matiyak na ang mas “matalinong” mga forecast ay maililigtas ang buhay at kabuhayan.
“Technology alone is not enough. The success of our warning systems depends on partnerships, trust, and action,” aniya.
“By combining scientific rigor with practical guidance, AI can help us anticipate hazards, accelerate responses, and support communities before, during, and after events,” dagdag ni Servando. RNT/JGC