MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na handa na ang lokal na pamahalaang lungsod sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa mga pampublikong sementeryo ng Maynila bilang bahagi ng pagdiriwang ng Undas.
Ang naturang pahayag ay sinabi ni Domagoso kasabay ng kanyang isinagawang inspeksyon ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 30, 2025, sa Manila North, South at Islamic Cemeteries.
Sinabi ng Alkalde na personal niyang ininspeksyon ang mga crowd control system, mga health stations, at mga entry at exit point, na binanggit na ang Manila Health Department at iba pang mga frontline office ay inatasan na tiyakin ang kahandaan sa lahat ng tatlong pangunahing sementeryo.
Inatasan din ni Domagoso ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pamumuno ni Director Jay Reyes Dela Fuente na tulungan ang mga pamilya at bata na maaaring magkahiwalay sa loob ng sementeryo.
“Usually year on year, may mga naliligaw o nawawalay na bata sa mga kaanak nila pero nasa loob lang ng sementeryo. Kaya binigyan ko rin ng order si Director Jay Dela Fuente na mag-assist,” giit ni Yorme.
Pinaalalahanan din ni Domagoso ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang mga matutulis na bagay at baril, at tanging mga unipormadong pulis lamang ang pinapayagang magdala ng armas.
“Huwag na kayong magbalak dahil mahuhuli rin kayo. Mahigpit po kami para sa seguridad ng pangkalahatan,” babala ni Yorme.
Maging ang pagdadala aniya ng mga nakalalasing na inumin at mga gamit na nakakalikha ng maiingay na tunog tulad ng mga sound system ay hindi pinahihintulutan sa loob ng mga nasabing kampo santo upang mapanatili ang solemnidad dito.
“Siguro mas maganda, kung nakakapagsalita lang yung ating mga nahimlay, mas gugustuhin nilang makasama kayo ng tahimik habang binibisita sila,” ayon pa kay Yorme.
Muli ring iginiit ni Domagoso na mananatiling ipinagbabawal ang mga nagtitinda sa loob ng mga sementeryo upang maiwasan ang pagsisikip, bagama’t ang mga nagbebenta ng bulaklak at kandila ay pinapayagang mag-operate sa mga itinalagang lugar sa labas.
Sinabi ng Alkalde na ang mga kalapit na kalye ay aalisin din ang mga sagabal upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, lalo na para sa mga bisita mula sa mga kalapit na lungsod.
“Hindi pwedeng magkaroon ng obstruction kasi may mga pumapasok na sasakyan at motorsiklo. Para magamit naman temporarily yung mga adjacent areas, main roads, at city roads ng mga galing pa sa Metro Manila. Kasi may mga nahimlay dito na hindi lang taga-Maynila,” ani Domagoso.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Domagoso ang mga bibisita sa kani-kanilang puntod partikular na ang mga matagal nang hindi nakadalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay na sakaling hindi na nila matandaan kung nasaan ito ay maaari nilang gamitin ang online cemetery locators o ang Puntod Finder.
Aniya maaari nilang bisitahin ang website na manilanorthcemetery.ph at manilasouthcemetery.ph upang hanapin ang pangalan ng mga yumao nilang mahal sa buhay at matagpuan kung saan ang puntod nito. JAY Reyes