MANILA, Philippines – Pinuna ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando ang administrasyon ni Marcos at ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa kabiguan na papanagutin ang sinumang sangkot sa korapsyon sa flood control na umaabot sa bilyon-bilyong piso.
Sa isang technical briefing sa Kamara, binanggit ni San Fernando na “53 araw na mula nang itatag ang [ICI]” at “98 araw na mula sa State of the Nation Address (SONA),” kung saan sinabi ni Pangulong Marcos na “Mahiya naman kayo.”
Kahit na inilantad ng Pangulo ang iskandalo, nananatiling mataas ang galit ng publiko dahil wala pang kasong naisampa, dagdag pa ng solon.
Ikinumpara ni San Fernando ang mabagal na aksyon sa flood control scandal sa mabilis na pagresponde sa maliliit na krimen.
“‘Pag nagnakaw ka ng gatas, sardinas, lata ng corned beef, ng diaper, huli ka agad. Samantala yung mga nasangkot dito sa flood control scandal… wala pa ni isa hanggang ngayon ang napapanagot,’” ani niya.
Hinimok niya ang agarang sertipikasyon ng House Bill No. 4453, na nag-iinstitusyonal sa “Independent Commission Against Infrastructure Corruption.”
“Ang transparency na walang kapangyarihan, palabas lang. Kailangan ng ICI ng kapangyarihan, independensya, at pananagutan. Kung hindi, wala lang itong saysay at magastos na palabas.” RNT