Home HOME BANNER STORY Ika-100 araw ng pangakong paglaban sa korapsyon ni PBBM, sinalubong ng kilos-protesta

Ika-100 araw ng pangakong paglaban sa korapsyon ni PBBM, sinalubong ng kilos-protesta

367
0
(Danny Querubin)

MANILA, Philippines – Nagsagawa ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa kilos-protesta sa harap ng Office of the Ombudsman nitong Biyernes upang hilingin ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal, higit 100 araw matapos mangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lalabanan ang korapsyon.

“Isang daang araw na ang lumipas mula nang mangako si Marcos Jr. na pananagutin ang mga tiwali—ngunit hanggang ngayon, ni isa wala pang nakulong. Samantala, 277 katao ang agad inaresto matapos magprotesta laban sa korapsyon noong Setyembre 21. Malinaw kung sino ang tunay na kinakatakutan at pinaparusahan ng gobyerno—hindi ang mga kurakot, kundi ang mamamayang lumalaban,” ani ACT Chairperson Ruby Bernardo.

(Danny Querubin)

Giit ni Bernardo, mabilis ang gobyerno sa pagsupil sa protesta ngunit mabagal sa pagpaparusa sa mga sangkot sa katiwalian, lalo na sa mga proyektong pang-imprastraktura na “nilustay ang bilyong pondo” at nagdulot ng kapahamakan sa mga mamamayan.

Tinukoy niya ang Bagyong Tino, na kumitil ng higit 100 katao sa Cebu, bilang patunay ng “kriminal na kapabayaan” sa mga depektibong proyekto sa flood control. Binanggit din niyang papalapit na ang isa pang malakas na bagyo.

Umapela ang ACT sa Ombudsman na agarang imbestigahan at kasuhan ang mga sangkot na opisyal at kontratista, at nanawagan sa publiko na manatiling mapagbantay.

“Walang hustisya kung walang paniningil. Ang pananahimik ay pakikisangkot. Kaya’t habang nananatiling malaya ang mga mandarambong at inuusig ang mamamayan, patuloy tayong lalaban,” pagtatapos ni Bernardo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here