MANILA, Philippines – Nagsimulang magbukas ng water gates ang tatlong pangunahing dam sa Luzon bilang paghahanda sa paparating na Severe Tropical Storm Fung-wong, na tatawaging Uwan pagpasok sa Philippine Area of Responsibility sa Nobyembre 8.
Umabot sa 211.14 metro ang tubig sa Angat Dam sa Bulacan, lampas sa normal nitong 210 metro, kaya isang gate ang binuksan.
Malapit naman sa spilling level ang Ipo Dam, habang ang La Mesa Dam sa Quezon City ay mababa pa sa overflow. Pinayuhan ng PAGASA ang mga komunidad sa kahabaan ng Angat River na mag-ingat.
Mahigpit din na minomonitor ang mga dam sa Hilaga at Gitnang Luzon tulad ng Ambuklao, Binga, San Roque, Pantabangan, at Magat.
Maaaring magdulot ng dagdag na pagbubukas ng gates ang malakas na ulan ng Uwan, na makakaapekto sa mga bayan sa Bulacan, Pangasinan, Nueva Ecija, Isabela, at Ifugao.
Pinayuhan ang mga residente na maghanda laban sa posibleng pagbaha. RNT