Home OPINION ‘DI BA’T NABIGYAN NA TAYO NG BABALA?

‘DI BA’T NABIGYAN NA TAYO NG BABALA?

251
0

MATAGAL na siyang pumanaw, subalit ang mga bagay na pinanindigan ni dating Environment Secretary Gina Lopez ay muling nabuhay sa ating mga alaala ngayong paulit-ulit na sinusubukan ng magkakasunod na lindol, baha, at landslides ang hangganan ng ating katatagan.

Nakalulungkot lang na hindi ginawang permanente ang pagkatalaga sa kanya nang mga panahong iyon. Ang pag-ayaw ng Commission on Appointments kay Lopez ay sumasalamin kung paanong ang pangmadaliang kita at ang proteksyong pampulitika ng mga makasariling negosyante ang masasabing mga tunay na hadlang sa pagkakaroon ng bansa ng pangmatagalang sustainability at kaligtasang pampubliko.

Malinaw na naiintindihan niya na ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi lamang tungkol sa kagubatan, sa mga ilog, o sa kabundukan; tungkol ito sa proteksyon mula sa mga kalamidad para sa mga susunod na henerasyon. Alam niyang kinakailangan ang may determinasyong paninindigan pagdating sa pamamahala at pagkakaroon ng pananagutan para mapanatili ang mga komunidad.

Ang paggunita at pagbuhay muli sa kanyang paninindigan sa kasalukuyan ay nagbibigay-diin sa kung paanong ang problema na sinikap niyang masolusyunan noon ay patuloy na namamayani sa bawat pagkakataong sinasalanta ng kalamidad ang bansa. Ang Cebu, matapos pinsalain kamakailan ng magkasunod na lindol at bagyo, ay isang malinaw na halimbawa ng kabiguang ito.

Mula sa walang limitasyon na quarrying at reclamation sa Cebu hanggang sa pagpapabaya sa watershed sa Negros, makikita sa naiwang pinsala na ang pambabalewala sa wastong paggamit ng lupa at pangangasiwa sa watershed ay nagpalala sa pagkalugi ng mamamayan at ng ekonomiya.

Bagama’t nagsisilutangan ngayon ang mga ganitong reyalisasyon, walang alinman sa mga ito ang makababawas sa pananagutan ng mga nasa kapangyarihan, na pinili ang kaginhawaan at malaking kita kaysa paghahanda at pagbibigay-proteksyon. Ang masakit lang talaga, umaagos at bumabaon sa lupa ang korapsiyon, gaya ng ulan.

Sinabi mismo ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon: pumalya ang ilang istruktura kontra baha sa Cebu sa kasagsagan ng bagyo. At hindi iyon dahil lang sa nakagugulat ang lakas ng kalikasan, kundi dahil masyadong malamya ang pagpaplano at implementasyon sa mga ito, na dumarating na sa punto ng kriminalidad.

Ginawang gatasan ng contractors, ilang politiko, at piling opisyales ng DPWH ang flood control sa nakalipas na dalawang administrasyon. Bagama’t umiigting na ang imbestigasyon laban sa kanila, ang pinakahalatadong may sala ay inalisan na ng maskara, nakilala at nagawa nang makatakas; wala pang sinoman ang napananagot sa krimen na kanilang ginawa.

Sinasabi ng ilan na ang galit ng kalikasan — o maging ng Diyos — ay nagbabanta na ng takot sa gobyerno at sa mga opisyal nito, ibinubunyag ng mga nakapanlulumong kalamidad na ito ang mga bagay na hindi mailantad sa mga pinupulitika ring pagdinig at pagsisiyasat: mas maraming ghost projects, mas marami at paulit-ulit na substandard na dike, kanal na gawa-gawa lang ng imahinasyon, at nire-recycle na pondo para sa mga pagawain. Naroroon ang hindi maipagkakailang pattern ng korapsyon.

Mistula bang nag-aabang lang ng pagkakataon ang kalikasan, dahil ang naipatupad pa lang naman ay ang pagbabago ng Ombudsman, pagsasapubliko ng SALNs, pagbibigay-proteksyon sa marahil ay pinaka-hindi nakatutuwang grupo ng mga testigo sa kasaysayan, at marahil ay rigodon ng mga opisyal ng gobyerno at ng pinakamatataas sa Kongreso na hindi naman nauuwi sa hustisya kundi isang pagpaparamdam ng pangangampanya para sa 2028.

Samantala, nangako naman si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ilalantad sa madla ang kabulukan ng sistema. Sa pagbabalik niya bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, plano niyang imbitahan si dating Speaker Martin Romualdez at 17 halal na mambabatas na idinawit ng mga contractor sa ghost projects scandal. Sakaling maisakatuparan nga ito, marahil malaya nang aagos ang pananagutan sa mga lugar kung saan matagal nang rumaragasa ang baha — kung saan-saan, walang tigil, walang awa.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here