Home OPINION STATE OF NATIONAL CALAMITY SA 1 TAON IDINEKLARA NI PBBM

STATE OF NATIONAL CALAMITY SA 1 TAON IDINEKLARA NI PBBM

271
0

SA pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 1077, isina­ilalim ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., ang buong bansa sa “State of National Calamity” sa loob ng isang taon upang mapabilis ang rescue, relief, recovery, at rehabilitation efforts sa mga lugar na labis na naapektuhan ng Bagyong Tino at Bagyong Uwan.

Layunin ng nasabing proklamasyon na mas mapabilis at mas maayos ang pamamahagi ng tulong mula sa pamahalaan at pribadong sektor sa mga nasalanta ng bagyo. Kasama sa mga awtorisadong hakbang ang pagpataw ng price ceiling sa pangunahing bilihin, pagbibigay ng no-interest loans sa mga apektadong sektor, at pagpigil sa overpricing, profiteering, o hoarding ng mga pangunahing produkto, gamot, at produktong petrolyo.

Pinapayagan din ng dekla­rasyon ang paggamit ng pondo ng pambansa at lokal na pamahalaan para sa rescue, relief, recovery, at rehabilitation prog­rams, kabilang ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga naapektuhang pamilya at komunidad.

Iniutos din sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na ipatupad ang post-disaster recovery measures upang maibalik ang normal na pamumuhay, mapabuti ang imprastruktura, kabuhayan, at kondisyon ng pamumuhay sa mga komunidad na nasalanta. Dapat ding makipag-ugnayan ang mga ahensya sa apekta­dong local government units at asis­tihan ang pribadong sektor at internasyonal na organisasyon sa pagbibigay ng tulong, alinsunod sa umiiral na batas at regu­lasyon.

Kasama rin sa utos ang mga law enforcement agencies at Armed Forces of the Philippines na tiyaking mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa mga apektadong lugar.

Ayon sa proklamasyon, mananatiling epektibo ang dekla­rasyon ng isang taon maliban kung mas maagang aalisin ng Pangulo.

Ang Bagyong Tino ay tumama sa malaking bahagi ng Visayas, Mindanao, at katimugang Luzon, na nagdulot ng malawa­kang pagbaha, landslide, at pinsala sa imprastruktura.

Umabot na sa 224 ang namatay, habang nasa 135 pa ang pinaghahanap. Umabot naman sa 680,431 na pamilya ang na­apektuhan sa walong rehiyon o katumbas ng nasa 2.4 million na indibidwal ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Matatandaan na noong 2013 din sa paghagupit ni Super Typhoon Yolanda ay nagdeklara ng national calamity ang Malacañang Palace.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here