MANILA, Philippines – Nanatiling pinakamalalang nakakahawang sakit ang tuberculosis (TB) sa buong mundo, na kumitil ng tinatayang 1.23 milyon na buhay noong 2024, ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO) noong Miyerkules.
Bagama’t bumaba ng 3% ang namatay at halos 2% ang kaso mula 2023, binigyang-diin ng WHO na delikado pa rin ang mga nakamit na tagumpay.
Tinatayang 10.7 milyon na tao ang nagkasakit ng TB noong nakaraang taon, kabilang ang 5.8 milyon lalaki, 3.7 milyon babae, at 1.2 milyon bata.
Ayon kay Tereza Kasaeva, pinuno ng WHO sa HIV, TB, hepatitis, at STI: “Ang pagbawas sa pondo at patuloy na sanhi ng epidemya ay maaaring sumira sa mga tagumpay, ngunit sa political commitment, tuloy-tuloy na pamumuhunan, at pandaigdigang pakikipagtulungan, maaari nating tapusin ang sinaunang salot na ito.”
Noong nakaraang taon, $5.9 bilyon lamang ang magagamit para sa pag-iwas at paggamot ng TB, mas mababa kaysa sa target na $22 bilyon kada taon pagsapit ng 2027.
Walo bansa ang may dalawang-katlo ng kaso, kabilang ang India, Indonesia, Pilipinas, China, at Pakistan. Pangunahing risk factors ay kakulangan sa nutrisyon, HIV, diabetes, paninigarilyo, at labis na pag-inom ng alak.
Ipinakita ng WHO ang progreso: 8.3 milyon ang nakatanggap ng paggamot, at tumaas ang treatment success rate mula 68% hanggang 71%. Mula noong 2000, tinatayang 83 milyon buhay ang nailigtas dahil sa napapanahong paggamot sa TB. RNT