Home OPINION ANG BOSES NG INC, IBA PANG SEKTA

ANG BOSES NG INC, IBA PANG SEKTA

288
0

PAGKATAPOS ng mga kalamidad, magbabalik ang sambayanan sa mga lansangan.

Sa pangunguna ng Iglesia ni Cristo, ang mga grupong simbahan, mga obrero at mga mag-aaral ay magsasagawa ng tatlong araw na protesta sa susunod na linggo.

Matatandaan na unang nagsagawa ng pagtitipon sa Luneta ang INC upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Sablay ang proseso ng Impeachment kaya sa huli ay nagpasya ang Korte Suprema na ito’y idelarang labag sa mga tuntunin ng Konstitusyon.

Ang “pagpapaliban sa Impeachment” sa harap ng desisyon ng Mataas na Hukuman ay isang panalo para sa INC.

Hindi rin ikinukubli ng INC ang pagkamuhi sa mga katiwalian sa pamahalaan.

Kaya sa susunod na linggo, muling magtitipon ang mga kasapi ng Iglesia na sasamahan na rin ng iba pang sekta para “yugyugin” si Ferdinand Marcos, Jr. sa makupad na aksyon nito para maipakulong ang mga may malalaking sala sa katiwalian.

Hanggang ngayon, sa “hindi malamang dahilan” ay ayaw pa ring kanselahin ang pasaporte ni Zaldy Co na nagtatago sa ibang bansa. Si Co ang sinasabing “arkitekto” ng pagnanakaw sa trilyong halaga ng pera na para sa flood control projects. Karamihan ng pondo ay napunta sa kanyang mga kompanya.

Ang “poon” naman niya na si Martin Romualdez ay patuloy sa pagtanggi kahit nalantad na sila ang magkasabwat sa pangungulimbat.

Ang pagnanakaw sa mga pondo para sa imprastraktura ang pinakamalaking iskandalo na nangyari sa gobyerno.

Galit na galit na ang sambayanan sa isyu ng kurakutan. Hindi na makatiis sa patuloy na pagtatangkang ito’y ilihis sa ibang usapin. Nitong mga nakaraang linggo, ang mga dismayadong pahayag sa mabagal na takbo ng imbestigasyon sa mga malalapit na kaalyado ni Marcos ay nagmumula na sa mga grupo ng komunidad ng negosyo.

Sila ay kumbinsidong may ginagawang orkestra para ito’y pagtakpan.

Hindi sapat ang mga ginagawang pagsisiyasat upang dalhin ang mga magnanakaw sa hukuman at kulungan. Wala nang ibang inaasahan ang mga tao kundi ang sambayanang lakas na mag-aayos sa mga bulok na sistema sa gobyerno.

Ang INC at ang mga katulad na grupo ay tila naubusan na ng pasensya. Nais nilang magkaroon ng agarang reporma sa lantad na pagkukulang ng kasalukuyang administrasyon.

Hindi na mananahimik na lang ang mga grupong relihiyon, partikular na ang INC.

Ang komunidad ng mga pananampalatayang ito ay hindi na makuntento sa tradisyunal papel nitong mag-endorso lamang ng mga kandidato nang hindi naglalatag ng agenda para sa bansa.

Malamang, naudyukan ang INC na magdesisyong pumasok sa arena ng mass protest, bilang isang may paninindigan, may mas malakas na boses para mawakasan ang mga kabuktutan sa pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here