MANILA, Philippines – Panibagong pasanin ang sasalubong sa mga motorista sa Martes ng umaga dahil muling magpapatupad ng dagdag presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa.
Sa magkakahiwalay na anunsiyo na inilabas ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P1.20 sa kada litro ng gasolina at diesel habang wala namang paggalaw sa presyo ng kerosene dahil sa ipinapatupad na “price freeze”, na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
Samantala, kahalintulad din ng mga nabanggit na presyo ang ipatutupad na pagtataas ng halaga ng produktong gasolina at diesel ng mga kompanyang PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, at Petro Gazz, na pawang hindi nagbebenta ng kerosina simula alas-6:01 din ng Martes ng umaga habang alas-4:01 naman ng hapon ang Clean Fuel.
Ayon kay PTT Philippines Media Relation Officer Jay Julian, ang panibagong oil price hike na ipatutupad ng mga lokal na kompanya ay batay sa dikta ng pandaigdigang merkado ng presyo ng langis na dulot na rin ng mataas na pangangailangan sa langis ng maraming bansa, pati na ng parusa ipapataw ng Estados Unidos, United Kingdom, at European Union sa Russia.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng dagdag presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.50 sa kada litro ng gasolina, P1.00 sa kada litro ng diesel at P0.90 sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes